GMA Kapuso Foundation, ipinasuri ang isang pedicab driver na may problema sa paningin
September 19 2022
By MARAH RUIZ
Dalawangpung taon nang pedicab driver si Beltran Codilla mula sa Marikina.
Tuloy pa rin siya sa pagtatrabaho sa kabila ng panlalabo ng kanyang mga mata.
"'Pag bumibiyahe ako ng gabi, 'pag sinisilawan ako ng ilaw, hindi ko makikita. 'Pag raw naman po nakikita ko 'yung ulap lalo na kung sa tanghaling tapat. Sige pa rin ako ng biyahe kasi mahirap 'yung hindi ka maghataw," pahayag ni Beltran.
Simula noong pandemya, kumikita siya ng P150 araw araw at ni minsan hindi pa nakapagpa-check up ng mata.
"Natatakot ako kasi ang iniisip ko pagka niresetahan ako ng doktor, wala akong pambili ng gamot," lahad niya.
Binisita ng GMA Kapuso Foundation si Beltran para hatiran ng food packs at hygiene kits.
Ipinasuri din siya sa isang ophthalmologist sa Asian Eye Institute.
"Ang nakita natin sa mata niya, may dalawang problema. Una, may pamumula na gumagapang papunta sa gitna ng mata. Ang tawag doon ay ptyregium. Ang dahilan nito ay kung laging naaarawan, naalikabuhan at nahahanginan. Nagko-consutrction po kayo dati no? So naging exposed sa mga dumi. Pangalawa naman, 'yung paglabo naman ng mata ni tatay, 'yung pagiging maulap ay dala ng katarata," paliwanag ni Dr. Mario Gerard Padilla.
Ipinaliwanag din ni Dr. Padilla ang magiging gamutan ni Beltran.
"For the cataract, kailangan operahan ito. 'Yung pamumula naman, meron naman tayong drops para mabawasan 'yung pamumula," aniya.
Kaya naman nananawagan si Beltran para sa tulong para makapagpagmot siya.
"Kung sino man ang nakakita sa akin ay sana humihingi po ako sa inyo ng tulong dahil sa mata ko," mensahe niya.
Sa mga nais mag-abot ng tulong kay Beltran at sa iba pang mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.
Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya, GCash, Globe Rewards, at Metrobank credit card.
Maari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.
Comments
comments powered by Disqus