GMA Kapuso Foundation, sinimulan na ang pundasyon ng isang tulay para sa Sogod, Southern Leyte
September 13 2022
By MARAH RUIZ
Dalawang beses nang nadisgrasya ang mangangalakal na si Eric Inso dahil sa lumang hanging bridge sa Sogod, Souther Leyte.
"Noong una, 'yung paa ko, nasugatan at saka 'yung buto ng paa ko parang naipit siya sa siding sa hanging bridge. Pangalawang beses, 'yung motor na kinakargahan ko ng semento saka kopra, nadulas kasi umuulan 'yun. 'Yung kaliwang braso ko, napilay," paggunita ni Eric.
Naranasan na rin niyang tumawid sa rumaragasang ilog nang masira ng bagyong Odette ang tulay.
"Kung hindi kami tatawid, wala kaming makakain sa araw araw," aniya.
Nitong buwan ng Agosto, sinumulan ng GMA Kapuso Foundation ang pagpapagawa ng Kapuso Tulay Para sa Kaunlaran sa Brgy. San Juan sa Sogod, Southern Leyte.
"'Yung ating tulay na ipapagawa dito ay kayang mag-sustain ng mga bagyo hangang 300 kph na wind speed at maging lindol na hanggang 8.0 magnitude. 'Yung ating hanging bridge ay magkakaroon ng haba na 70 meters," lahad ni Engr. Edgar Eniego, Senior Engineer sa GMA Kapuso Foundation.
Nitong September 3 naman ay sinumulang itayo ang pundasyon ng Kapuso Tulay at ilang buwan na lang, magagawmit na ito ng mga residente.
"Taos-puso talaga kaming nagpapasalamat sa GMA, lalo na kay ma'am Mel Tiangco," mensahe ni Eric.
Sa mga nais mag-abot ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.
Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya, GCash, Globe Rewards, at Metrobank credit card.
Maari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.
Comments
comments powered by Disqus