GMA Kapuso Foundation, namigay ng school supplies sa mag-aaral sa Siargao
September 12 2022
By MARAH RUIZ
Maagang natutong mag-surf ang seven-year-old na si Russel mula sa General Luna sa tinaguriang surfing capital ng Pilipinas na Siargao.
Pero para sa kanyang amang si Roseller Escamillan Tangob na isang surfing instructor, prayoridad pa rin ang pag-aaral para sa kinabukasan ng anak.
"Kailangan tapusin talaga 'yung pag-aaral muna bago mag surf. Kasi 'yung pag-aaral, malaki 'yung matutulong talaga sa buhay ng tao niyan," pahayag ni Roseller.
Naapektuhan ang kanyang hanapbuhay matapos humina ang turismo sa Siargao dahil sa pandemya at bagyong Odette.
"Wala na kaming turo, mga dalawang taon. Pagkatapos noon, bumalik mga kalahating taon, nag Odette naman. Naranasan ko kung gaano kahirap ngayon. Hindi ko 'yun ipapadama sa anak ko," lahad ni Roseller.
Unti-unti nang nanunumbalik ang sigla at saya ng kanilang lugar. Bukod dito, back to school na rin ang mga estudyante.
Kaya sa pagpapatuloy ng Unang Hakbang sa Kinabukasan project ng GMA Kapuso Foundation, 2,400 kinder and grade 1 students sa Siargao ang binigyan ng school bag na may kumpletong school supplies at hygiene kits.
"Maraming salamt po sa GMA Kapuso Foundation sa pagbigay ng mga school supplies sa mga bata para makapag aral naman 'yung iba na walang pambili ng school supplies," mensahe ni Roseller.
Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa sa proyekto ng AFP JTF-NCR; Philippine Army 901st Infantry Brigade, 30th Infantry Battalion, Delta Company; Philippine Coast Guard; Seaborne Shipping Lines Inc.; Johnson and Johnson (Philippines) Inc.; Hello Glow; at Ever Bilena Cosmetics.
Sa mga nais mag-abot ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.
Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya, GCash, Globe Rewards, at Metrobank credit card.
Maari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.
Comments
comments powered by Disqus