September 08 2022
Nagsusumikap ang 19-year-old livestreamer na si Shane de Lumen para masuportahan ang kanyang pag-aaral at makatulong sa kanyang mga magulang.
Bumaba ang kanyang self-confidence nang may tumubong butlig sa kanyang anit at naging malaking bukol matapos niyang magpa-bleach ng buhok.
"Noong mga unang month na nagpapa-check up ako, doon napipunta lahat ng kinikita ko imbis na nakakapag-ipon ako," kuwento ni Shane.
Agad tinugunan ng GMA Kapuso Foundation ang liham ng kapatid ni Shane na nananawagan ng tulong para sa kanya.
Ipinasuri ng GMA Kapuso Foundation si Shane sa isang dermatologist. Matapos ang ilang araw, isinagawa ang excision biopsy at tinaggal na rin ang bukol.
"Ang findings niya ay pyogenic granuloma which is a vascular tumor. Nasa scalp pa siya which is also a vascular region kaya ang surgery dito, medyo dapat cautious tayo. Ang problema, according to the biopsy, mayroon pang mga vascular proliferation na nakita doon sa ilamim noong scalp kaya Shane will need a second surgical procedure," paliwanang ng dermatologist na si Dr. Grace Beltran.
Epekto na ba ito ng pagpapa-bleach ng buhok ni Shane?
"There are studies na 'yung mga chemical ingredients that can cause irritation or cause an injury to the scalp can lead to a giant pyogenic granuloma. Kapag maliit pa lang, asikasuhin na nila. Huwag na nilang antayin na lumobo," pahayag ni Dr. Beltran.
Lubos naman ang pasasalamat ni Shane sa tulong na natanggap niya.
"Maraming salamat po kay Dr. Grace. Malaki po 'yung naitulong niya sa akin, lalo na ngayon na natanggal na po 'yung bukol ko sa ulo. Sobrang laki ng pasasalamat ko kasi wala na rin po kaming ginastos, lahat po sinagot ng GMA Kapuso Foundation," lahad ni Shane.
Nangangailangan pa ng karagdagang tulong ni Shane para sa pangalawang operasyon para tanggalin ang natirang bukol sa kanyang ulo.
Sa mga nais mag-abot ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.
Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya, GCash, Globe Rewards, at Metrobank credit card.
Maari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.
advertisement
advertisement
Comments
comments powered by Disqus