GMA Kapuso Foundation, ipinasuri ang isang babaeng may bukol sa anit | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Ipinasuri ng GMA Kapuso Foundation ang isang 19-year-old na babae na tinubuan ng malaking bukol sa anit.

GMA Kapuso Foundation, ipinasuri ang isang babaeng may bukol sa anit

By MARAH RUIZ

May problema sa kanyang anit ang 19-year-old na si Shane de Lumen.

Noong nakaraang Marso, may nakapa siyang butlig sa kanyang anit pero dahil maliit lang, ipinagsawalang-bahala niya ito. Noong nagpakulay muli siya ng buhok, lumaki ang butlig at naging bukol.

"Naisipan ko pong magpakulay ng buhok and mag-bleach. Parang nagalaw po 'yung buhok ko ng suklay na patusok. Maraming beses po siyang nagalaw-galaw so siguro po na-iritate. Tapos nakikita ko po 'yung changes na lumalaki," kuwento ni Shane.

Hindi rin daw kaaya-aya ang amoy nito kapag siya ay pinapawisan.

"'Yung buhok ko rin po, nagdidikitdikit kaya parang mas nagsasama-sama. Mas lumalakas 'yung amoy niya kasi nadadamay 'yung buhok," bahagi ni Shane.

Agad siyang nagpatingin sa doktor pero walang siyang kakayanang magpagamot. Sila na lang kasi ng kanyang ina ang magkasama sa buhay at may sarili nang mga pamilya ang kanyang mga kapatid.

Bukod dito, nag-aaral din siya ng kolehiyo kaya pinagtitiyagaan niyang linisin ang bukol gamit ang pinakuluang dahon ng bayabas.

Nagpadala ng mensahe sa Facebook page ng GMA Kapuso Foundation ang kapatid ni Shane para idulog ang kundisyon niya. Agad namang pinasuri ng GMA Kapuso Foundation si Shane sa dermatologist na si Dr. Grace Beltran.

"Gusto rin nating malaman kung ano bang klaseng tumor 'yung tumubo doon sa kanyang likod ng ulo. 'Pag sinabing tumor, it's not automatically cancerous. It can be cancerous or benign. 'Pag tumor sinabi mo, new growth lang 'yun. Maraming klaseng tumor ang puwedeng tumutubo sa balat o kaya sa scalp natin," paliwanag ni Dr. Beltran.

Sumailalim si Shane sa excision biopsy para malaman kung anong klaseng bukol ang tumubo sa kanyang anit.
 

 

 

Binisita rin siya ng GMA Kapuso Foundation sa kanilang tirahan sa Marikina para hatiran ng groceries at vitamins.

"Sana po matulungan niyo 'ko sa kalagayan ko ngayon," mensahe ni Shane.

Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa ni Dr. Grace Beltran at ng Pascual Laboratories Inc. (Pascuallab).

Sa mga nais mag-abot ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.
http://www.gmanetwork.com/kapusofoundation/donate

Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya, GCash, Globe Rewards, at Metrobank credit card.

Maari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.