GMA Kapuso Foundation, nai-turnover na ang bagong classrooms para sa Magallanes Elementary School
September 06 2022
By MARAH RUIZ
Nitong nakaraang Hunyo nagtungo ang GMA Kapuso Foundation sa Limasawa Island para ipagawa ang classrooms na nasira doon ng bagyong Odette noong tumama ito noong December 2021.
Matapos ang mahigit dalawang buwan, matagumpay nang naipatayo ang matitibay na classrooms. Sakto rin ito sa pagbabalik ng face-to-face classes.
Isa sa mga paaralang nasalanta ng bagyong Odette ang Magallanes Elementary School. Nagtitiyaga ang mga mag-aaral dito na magklases sa trapal at tent dahil nasira ang kanilang mga silid-aralan.
Dahil sa bayanihan ng mga guro, volunteer, at mga sundalo, natapos na ang apat na Kapuso classrooms na may comfort room sa Magallanes Elementary School.
Nai-turnover na rin ito sa paaralan noong August 24 at maari nang gamitin ngayong may face-to-face classes na muli.
Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa Sparkle GMA Artist Center na nag-donate ng PhP1.4 million para sa naapektuhan ng kalamidad sa Limasawa at Abra.
Nagtayo rin dito ng handwashing facility sa tulong ng Manila Water Foundation at dinagdagan ng station para sa malinis na maiinom na tubig sa tulong naman ng Planet Water Foundation at Xylem.
Nagsagawa rin ng community tree planting sa Brgy. Magallanes sa Limasawa Island.
Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa pakiiisa ng Philippine Army 8th Infantry Division, 14th Infantry Battalion, 53rd Engineer Brigade, 546th Engineer Construction Battalion; Sparkle GMA Artist Center; Concrete Stone Corp; Lotus Tools PH; Cemex Philippines Foundation; Manila Water Foundatio; Planet Water Foundation; Xylem, Meridian Shipping and Container Carrier Inc.; Mariwasa Siam Ceramics; at American Standard.
Sa mga nais mag-abot ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.
Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya, GCash, Globe Rewards, at Metrobank credit card.
Maari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.
Comments
comments powered by Disqus