GMA Kapuso Foundation, nagsagawa ng vitreo-retina screening sa Cabanatuan | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Nagsagawa ng vitreo-retina screening sa Cabanatuan ang GMA Kapuso Foundation at partners nito bilang pakikiisa sa Sight Saving Month.

GMA Kapuso Foundation, nagsagawa ng vitreo-retina screening sa Cabanatuan

By MARAH RUIZ

Nasa lahi ng 72-year old na si Corazon Santos ang sakit na diabetes. Bukod dito, mahilig pa siya sa softdrinks at malakas kumain ng kanin.

"Pito po kaming magkakapatid, lima po kaming may diabetes. Naapektuhan na po ang aking mga mata hanggang sa lumabo po siya," paliwanag ni  Corazon tungkol sa kanyang kundisyon.

"Sa kanya, multi-factoral, kasama ang family (history) pati na rin 'yung naging lifestuyle niya before," pahayag naman ni Dr. Mark Joseph O. Lagao tungkol sa kundisyon ni Corazon.

May diabetic retinopathy din si Corazon, kumplikasyon ng sakit ng diabetes.

"Ibig sabihin, problema sa retina na dulot ng diabetes. Dahil very active portion siya ng mata, marami siyang ugat. 'Pag matagal na po kayong diabetic, 'yung ugat natin, napupuno or naiipunan ng sugar na nakapag-cause ng pagkasira ng ugat," paliwanag naman ni Dr. Maria Cecilia Garcia, isang retina specialist.

Maaring mauwi sa pagkabulag ang diabetic retinopathy pero maaari din itong maagapan sa pamamagitan ng early screening at regular na pagpapa-check up ng mata ng mga taong may diabetes.

 

 

Ngayong Sight Saving Month, nagsagawa ang GMA Kapuso Foundation at partners nitong Vitreo-retina Association of the Philippines at Dr. Paulino J. Garcia Memorial Research and Medical Center ng vitreo-retina screening para sa 50 pasyente sa Cabanatuan.

Binigyan din ng hygiene kits at vitamins at sumailalim sa lecture kung paano malalaman ang iba't ibang kundisyon sa mata.

"Layon nitong i-promote 'yung information awareness sa mga tao tungkol sa daibetic retinopathy," pahayag ni Dr. Alberto C. Chacon Jr., Medical Officer IV at consultant sa Dr. Paulino J. Garcia Memorial Research and Medical Center.

Naghandog din ang GMA Kapuso Foundation ng gamot at hygiene kits para sa Dr. Paulino J. Garcia Memorial Research and Medical Center.

Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa sa proyektong ito ng Vitreo-retina Association of the Philippines at Dr. Paulino J. Garcia Memorial Research and Medical Center-Department of Ppthalmology, at Rhea Generics.

Sa mga nais mag-abot ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya, GCash, Globe Rewards, at Metrobank credit card.

Maari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.