GMA Kapuso Foundation, naghatid ng tulong sa mga apektado ng bagyong Florita sa Cagayan
August 30 2022
By MARAH RUIZ
Maraming maisan at palayan sa bayan ng Baggao, Cagayan ang napinsala ng bagyong Florita.
"90% siguro ang rice and corn farmers dito. 'Yung bagyo, sobrang mabilis lang 'yung hagupit niya pero nag-iwan siya ng malaking damages most epecially sa crops natin," paliwanag ni Pong Corpuz ng MDRRMO-Baggao.
Agad naman umaksiyon ang GMA Kapuso Foundation para maghatid ng relief goods sa mga naapektuhan ng bagyo sa bayan ng Baggao at Gattaran sa Cagayan kung saan 4,800 na indibidwal ang natulungan.
Nagsagawa rin ng feeding program ang GMA Kapuso Foundation para sa 500 residente ng Brgy. San Isidro, at Barsat East and West sa Baggao.
Bukod dito, nagbigay rin ng mga gamot ang GMA Kapuso Foundation sa Baggao Rural Health Unit.
"Mula noong Lawin, Ompong, Ulysses, nandito ang GMA Kapuso Foundation, tumutulong lagi. Nagpapasalamat po kami ng marami," pahayag ni Pong Corpuz ng MDRRMO-Baggao.
Nagpapasalamat naman ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa ng AFP Nolcom; Philippine Army 5th Infantry Division, 501st Infantry Brigade, 502nd Infantry Brigade, Tactical Preparations Wing Northern Luzon, Joint Task Force Tala, Task Force Operations Group 2 at Accesspoint International Trading Inc. sa Operation Bayanihan.
Sa mga nais mag-abot ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.
Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya, GCash, Globe Rewards, at Metrobank credit card.
Maari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.
Comments
comments powered by Disqus