GMA Kapuso Foundation, magpapatayo ng bagong classrooms sa Surigao del Norte | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Magpapatayo ang GMA Kapuso Foundation ng bagong classrooms para sa Baybay Elementary School sa Burgos, Surigao del Norte.

GMA Kapuso Foundation, magpapatayo ng bagong classrooms sa Surigao del Norte

By MARAH RUIZ

Isa ang Baybay Elementary School sa Burgos sa isla ng Siargao sa Surigao del Norte sa mga nasira ng bagyong Odette noong December 2021.

Saksi dito ang Grade 6 student na si Althea Joy Mendoza.

"Doon po kami nagtago sa CR ng school kasi po may nagliliparang yero po. 'Yung mga tao po nagsisigawan," paggunita niya.

Ngayong nagsimula na muli ang face-to-face classes, sa gym muna nagkaklase ang mga mag-aaral dito.

"Ang wish po namin na sana po may bago at saka matibay na classroom," pahayag ni Althea.

 

 

Matutupad ng GMA Kapuso Foundation ang hiling na 'yan sa tulong ng donors at sponsors nito.

Nagsagawa na kamakailan ng groundbreaking ceremony sa Baybay Elementary School kung saan nakatakdang magtayo ang GMA Kapuso Foundation ng apat na bago at matitibay na classroom, pati na apat na comfort rooms.

"Ang burgos ay isa sa pinaka nasalanta ng bagyong Odette dahil talagang kaharap sila ng dagat. Umaasa tayo na marami talaga tayong mga batang matutulungan sa pagtayo ng Kapuso School natin," pahayag ni Rikki Escudero-Catibog, EVP and COO ng GMA Kapuso Foundation.

Bukod sa groundbreaking, namahagi din ang GMA Kapuso Foundation ng kumpletong gamit pang eskuwelahan sa mga estudyante.

"Salamat po sa GMA Kapuso Foundation sa inyong pagtupad ng mga hiling ng mga tao dito sa Baybay Elementary School," pahayag ni Marysol Estorba, principal ng Baybay Elementary School.

Nagpapasalamat naman ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa proyekto ng AFP-Eastern Mindanao Command; Philippine Army-4th Infantry Division, 901st Infantry Brigade, 52nd Engineer Brigade, 30th Infantry Battalion; Seaborn Shipping Lines Inc.; Mariwasa Siam Ceramics; Hanabishi; Concrete Stone Corp.; Apex Mining Co. Inc., New Zealand Embassy Manila, PPG Coatings (Philippines) Inc.; at Manila Water Foundation.

Sa mga nais mag-abot ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maaari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya, GCash, Globe Rewards, at Metrobank credit card.

Maaari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.