GMA Kapuso Foundation, naghatid ng school supplies sa mga mag-aaral ng Lanao del Norte | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Mahigit 1,000 mag-aaral sa kinder at grade 1 ang nabigyan ng school supplies ng GMA Kapuso Foundation sa Kolambogan, Lanao del Norte.

GMA Kapuso Foundation, naghatid ng school supplies sa mga mag-aaral ng Lanao del Norte

By MARAH RUIZ

Sa muling pagbubukas ng mga paaralan sa Pilipinas para sa face-to-face classes ngayong school year 2022 to 2023, patuloy din ang GMA Kapuso Foundation sa pagbibigay ng school supplies sa mga batang nangangailangan.

Ayon sa tala ng Philippine Statistics Authority noong 2021, ang Lanao del Norte ang pang-14 sa mahihirap na probinsiya sa bansa.

Kaya naman nagtungo dito ang ang GMA Kapuso Foundation bilang bahagi ng Unang Hakbang sa Kinabukasan project.

Mahigit 1,000 kinder at grade 1 students sa bayan ng Kolambugan ang hinandugan ng school bag na may kumpletong school supplies at hygiene kit.

 

 

"Sobrang nagpapasamalat po kami mula sa DepEd Lanao del Norte, sa GMA Kapuso Foundation sa laging suporta ninyo. Kahit gaano kalayo, nararating n'yo kami. Nakikita namin na walang takot na magbigay kahit saang lugar na pinuputahan talaga nila," pahayag ni Rasmila M. Cosain, Senior Education Program Specialist in Social Mobilization and Networking Unit.

Nagpapasalamat din ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa sa proyektong ito ng AFP JTF-NCR; Philippine Army 55th Engineer Brigade, 55th Infantry Battalion, 5th Mechanized Infantry Battalion; DepEd Divison of Iligan City; DepEd Division of Lanao del Norte; LGU of Lala, Lanao del Norte; Solid Shipping Lines, Johnson and Johnson (Philippines) Inc.; at Natural Works Virgin Coconut Oil.

Sa mga nais mag-abot ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya, GCash, Globe Rewards, at Metrobank credit card.

Maari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.