Lalaking may bukol sa maselang bahagi ng katawan, humingi ng tulong sa GMA Kapuso Foundation
August 18 2022
By MARAH RUIZ
Lumapit ang 19-year old na binatang si Louie, hindi niya tunay na pangalan, sa GMA Kapuso Foundation para idulog ang kanyang kundisyon.
Taong 2020 nang makilala niya online ang kanyang first boyfriend pero sa kasamaang palad, hindi nagtagal ang kanilang relasyon.
Tila nag-iwan pa ng mas matinding pasakit ang kanilang hiwalayan kay Louie dahil nagkaroon siya ng kulugo sa binti at paa. May tumubo ding bukol sa kanyang puwetan na ayon sa kanya ay sinlaki ng dalawang kamao. Hindi na kaayaaya ang amoy nito kaya lagi itong nililinisan ni Louie.
"Ang suspect ko po, dati po kasi akong sexually active. Pero sa isang boyfriend ko lang po 'yun. 17 years old po ako noon. 'Yung isip ko po noon, mapusok pa," pahayag niya.
Isang kasambahay ang ina ni Louie habang senior citizen naman ang kanyang ama. Dahil hindi sapat ang kita nila para maipasuri si Louie, lumapit na siya sa GMA Kapuso Foundation.
Binigyan ng GMA Kapuso Foundation si Louie ng paunang gamot, vitamins at hygiene kit. Pinatingnan din siya sa isang dermatologist sa San Lazaro Hospital.
"Mayroon po siyang tinatawag na human papillomavirus infection. Based sa sensitibong parte ng katawan, ang mas tamang tawag sa kanya ay condyloma acuminata. Ooperahan na para ide-debulk na siya. Ang HIV naman, siya 'yung virus na talagang ibabagsak niya 'yung immune system ng katawan mo," paliwanag ni Dr. Dianne C. Sia, MD, DPDS.
Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa tulong ng CDRRMO-Antipolo at ni Dr. Dianne C. Sia.
Sa mga nais mag-abot ng tulong kay Louie at sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.
Maaari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya, GCash, Globe Rewards, at Metrobank credit card.
Maaari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.
Comments
comments powered by Disqus