August 18 2022
Naghahanap-buhay bilang isang tricycle driver si Agosto Mateo sa loob ng 15 taon.
Dahil sa panlalabo ng kanyang mga mata, nagkakamali na siya sa kanyang pagsusukli. Napapagkamalan kasi niyang PhP 5 ang PhP 1. Minsan pang nanganib ang kanyang buhay dahil sa paglabo ng kanyang paningin.
"Kasi noong maaksidente ako, siguro sa puyat din kaya nagka ganoon. Nakaligtaan ko minsan, paglingon kong ganyan, 'yung tricycle nasabitan ko na. Medyo malabo nga 'yung mata ko gawa ng siyempre, nagkaka edad na tayo," paggunita ni Agosto sa aksidente.
May ginagamit naman siyang salamin pero luma na ito at hindi pa akma sa kanyang grado. Ang isa namang salamin na ginagamit niya, pinaglumaan lang ng kanyang kapitbahay.
PhP 150 ang kinikita niya sa pamamasada habang patuloy ding kumakayod ang kanyang misis kahit may sakit na goiter.
Dahil sa maliit na kita, hindi sila makapagpatingin sa mga espesyalista.
Idinulog sila ng kanilang anak sa GMA Kapuso Foundatoon at agad naman itong natugunan, sakto sa paggunita ng Sight Saving Month ngayong buwan ng Agosto.
Sinamahan sila ng GMA Kapuso Foundation sa Asia Pacific Eye Center para ipasuri sa isang ophthalmologist. Ito ang unang pagkakataong nakapagpa-check up sila ng mata.
"Kay Mrs. Mateo, ang binigay ko po ay tinatawag nating reading glasses or single vision glasses. Kay Mr. Mateo naman, 'yung doble vista po. 'Yun po 'yung parang may guhit doon sa lente na parang pabilog para makakabasa siya sa malayo at sa malapit," paliwanag ni Dr. John Baldwin Tan, ang ophthalmologist na sumuri sa kanila.
"Ako po'y nagpapasalamat sa GMA Kapuso Foundation at kay Dr. Tan na nabigyan ako ng ganitong salamin," mensahe ni Agosto.
Nagpapasalamat naman ang GMA Kapuso Foundatin sa pakikiisa ng Asia Pacific Eye Center, Dr. John Baldwin Tan, Pascual Laboratories Inc. (Pascuallab), at Venice 66 Fashions Inc. (Vans Philippines).
Sa mga nais mag-abot ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.
Maaari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya, GCash, Globe Rewards, at Metrobank credit card.
Maaari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.
advertisement
advertisement
Comments
comments powered by Disqus