Bagong tulay, ipapagawa ng GMA Kapuso Foundation sa Sogod, Southern Leyte | GMANetwork.com - Foundation - Articles
Magpapatayo ng bagong tulay ang GMA Kapuso Foundation sa Sogod, Southern Leyte. Ito ang ika-pitong tulay sa ilalim ng Kapuso Tulay sa Kaunlaran project.
Bagong tulay, ipapagawa ng GMA Kapuso Foundation sa Sogod, Southern Leyte
August 18 2022
By MARAH RUIZ
Naging panata na ni Elna Siega ang magsimba sa Brgy. San Juan sa Sogod, Southern Leyte tuwing Biyernes.
Pero tila may kakambal na panganib ang pagpunta dito dahil ang tulay na kailangan niyang daanan, gawa sa lumang kahoy at kinakalawang na mga kable.
"'Yung una, ako ang nahulog. Itong isang paa ko, nahulog. Ito lang, nasabit. Pagdating ng isang linggo, 'yung anak ko namang grade 4, nahulog. Nabagsak siya doon. Pangatlo, 'yung isa na naman, 'yung grade 1 ko," paggunita ni Elna ng mga aksidenteng naransanan niya at ng kanyang mga anak sa tulay.
Laking pasasalamat niya na nakaligtas sila mula dito, kaya naman lagi rin niyang ipinagdarasal na magkaroon ng matibay na tulay sa kanilang lugar para maisawan ang mga aksidente.
Tinugunan naman ng GMA Kapuso Foundation ang hiling na ito sa tulong ng mga partners, donors at sponsors nito.
Nitong August 4, nagsagawa ang GMA Kapuso Foundation ng groundbreaking ceremony sa Brgy. San Juan sa Sogod, Southern Leyte.
Dito nakatakdang itayo ang ika-pitong tulay sa ilalim ng Kapuso Tulay sa Kaunlaran project.
"Mapapagbigyan na natin 'yung mga tao dito sa Sogod. Matagal na nilang pinangarap na magkaroon ng tulay na hindi dangerous," pahayag ni Rikki Escudero-Catibog, EVP and COO ng GMA Kapuso Foundation.
Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa ng Philippine Army, 8th Infantry Division, 53rd Engineer Brigade, 802nd Infantry Brigade sa proyekto.
Samantala, bilang pagdiriwang ng kaarawan ni GMA Kapuso Foundation founder and ambassador Mel Tiangco, nagpadala siya ng merienda para sa mga mag-aaral ng San Juan Elementary School, habang naghatid naman ang GMA Kapuso Foundation kumpletong gamit pang eskuwela para sa kanila.
Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa ng Hobe at Hello Glow dito.
Sa mga nais mag-abot ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.
Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya, GCash, Globe Rewards, at Metrobank credit card.
Maari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee at Lazada.
Comments
comments powered by Disqus