GMA Kapuso Foundation, nasimulan na ang pagpapa-opera ng babaeng may bukol sa maselang bahagi ng katawan | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Sa tulong ng GMA Kapuso Foundation, sumailalim na sa unang operasyon ang babaeng may bukol sa maselang bahagi ng katawan.

GMA Kapuso Foundation, nasimulan na ang pagpapa-opera ng babaeng may bukol sa maselang bahagi ng katawan

By MARAH RUIZ

Nitong nakaraang May lang itinampok ang kuwento ni Marina, hindi niya tunay na pangalan, babaeng tinubuan ng bukol sa maselang bahagi ng kanyang katawan.

Ayon sa kanya, sinlaki daw ito ng cauliflower. Dahil sa paglala ng kanyang kundisyon, nagpadala siya ng mensahe sa Facebook page ng GMA Kapuso Foundation para humingi ng tulong.

 

 

Agad namang tumugon ang GMA Kapuso Foundation at naipa-biopsy si Marina.

"Ang lumabas sa biopsy niya, ito ay usang klase ng squamous cell carcinoma in a Buschke-Lowenstein tumor secondary to human papillomavirus. Ibig sabihin, in simple terms, genital warts na nagkaroon ng cancer," paliwanag ng dermatologist na si Dr. Grace Beltran sa resulta ng biopsy.

Inilapit naman ng GMA Kapuso Foundation ang kundisyon ni Marina sa East Avenue Medical Center.

"Tinatawag na giant condyloma acuminata at 'yung isang lesion niya ay verruca vulgaris. 'Yung dalawang sakit na 'yun, ang sanhi noon ay virus na human papillomavirus. Ang human papillomavirus, maraming strains. Ibang strain 'yung sa verruca niya. Ibang strain 'yung sa kanyang condyloma," paliwanag naman ni Dr. German Tan Cardoso II, chairman ng Department of OB-GYNE sa East Avenue Medical Center.

"Nahahawa sa isang tao ang may ganyang infection, viral infection. Hawa hawa lang 'yan. Hindi naman necesarily sexual intercourse lang, puwedeng skin to skin contact," dagdag niya.

Nitong nakaraang April, sumailalim si Marina sa una niyang operasyon.

"Tinanggal namin 'yung malalaking lesions. In-excise namin. Excision ang tawag doon kasi hindi kayang gamutin ng chemical at sobrang laki," pahayag niya tungkol sa operasyon.

Dahil sa sobrang laki ng mga bukol ni Marina, hindi pa lahat ng ito ay natanggal. May natitira pa sa bandang puwetan niya.

"Hindi lang namin pinagsabay kasi gusto namin maghilom muna 'yung sa maselang parte niya bago namin tinanggal 'yung nasa kanyang likod ng puwet," lahad ni Dr. German Tan Cardoso II.

Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa tulong nina Dr. Grace Beltran, East Avenue Medical Center, Dr. German Tan Cardoso, Dr. Anna Katrina Estacio, Dr. Isabela Alexa Martinez, Dr. Sittie Nor Mohayrra Tiang, Dr. Nancy Arenas, Dr. Bianca Orantia, Dr. Katrina Lardizabal, at CDRRMO.

Marami pang gamutan ang pagdadaanan ni Marina kaya sa mga nais mag-abot ng tulong sa kanya at sa iba pang mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maaari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya, GCash, Globe Rewards, at Metrobank credit card.

Maaari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee, Zalora, Mega Mart, at Lazada.