GMA Kapuso Foundation, ipinasuri ang isang batang may malaking bukol na nakatakip sa mata | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Inilapit sa GMA Kapuso Foundation isang bata sa Pangasinan na may malaking bukol na nakatakip sa mata.

GMA Kapuso Foundation, ipinasuri ang isang batang may malaking bukol na nakatakip sa mata

By MARAH RUIZ

Isang malaking bukol ang nagpapahirap kay Gia, two years old, mula sa Mabini, Pangasinan.

Nakatakip kasi ang bukol na ito sa kanyang kanang mata. Bukod dito, hindi rin nakakapagsalita si Gia.

 

 


"Hindi po siya kagaya ng ibang bata na nakakaupo, nakakatayo na. Siya po talaga, nakahiga lang," pahayag ni Gennevie Lagria, nanay ni Gia.

Mag-isang itinataguyod ni Gennevie si Gia dahil iniwan siya ng nobyo nang malamang buntis siya. Nagbebenta siya ng damit online para may pangtustos silang mag-ina.

Inilapit sa GMA Kapuso Foundation ang kaso ni Gia kaya agad siyang pinutahan sa Pangasinan.

Hinandugan siya ng GMA Kapuso Foundation ng stroller, mat at grocery packs. Ipinasuri din siya sa isang neurosurgeon.

"Na-diagnose siya ng meningoencephalocele na may hydrocephalus, isang sakit kung saan may nakausli na parte ng utak at meninges dahil may failure of closure ng skull," pahayag ni Dr. Maria Christine Florendo-Dalisay tungkol sa kundisyon ni Gia.

"Nagkakaroon ng meningoencephalocele ang isang patient dahil sa kakulangan ng folic acid. Marami po tayong pagkain na rich in folic acid. 'Yan po 'yung mga green leafy vegetables, mga cereals, fruits," dagdag pa niya.

Mahaba pa ang gamutan para kay Gia.

"Naisagawa na natin 'yung unang stage which is 'yung ventriculoperitoneal shunt," paliwanag ni Dr. Florendo-Dalisay.

Kaya naman nananawagan pa rin si Gia at nanay niyang si Gennevie ng tulong.

"Ako po ay humihingi ng kahit kaunting tulong para sa pagpapa-opera at sa tuluyang paggaling niya," mensahe ni Gennevie.

Nagpapasalamat naman ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa ng Lunguard Chewables at ni Dr. Maria Christine Florendo-Dalisay.

Sa mga nais mag-abot ng tulong kay Gia at sa iba pang mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya,  GCash, Globe Rewards, at Metrobank credit card.

Maari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee, Zalora, Mega Mart, at Lazada.