Ama na may apat na anak na may special needs, nanawagan ng tulong sa GMA Kapuso Foundation | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Nagpadala ng mensahe sa GMA Kapuso Founation ang isang ama mula sa Bulacan para humingi ng tulong para sa apat niyang anak na may special needs.

Ama na may apat na anak na may special needs, nanawagan ng tulong sa GMA Kapuso Foundation

By MARAH RUIZ

Biyudo si Willy Gutba mula sa Sta. Maria, Bulacan. Pumanaw kasi sa sakit na cancer ang kanyang asawa kaya naman mag-isa niyang itinataguyod ang apat nilang anak na lahat ay may special needs.

"'Yung panganay habang seven years old or eight, nakikita ko sa klase na parang may kakaiba, na hindi siya nagma-mature. 'Yung pangalawa naaman ang napansin ko sa kanya, six years old na siya, hindi pa siya nagsasalita. Lahat po sila ipinanganak nang normal. Hindi ko po ikinakahiya 'yan. Bigay ni Lord eh," paglalarawan ni Willy sa apat niyang anak.

Pilit niyang pinagsasabay ang paghahanapbuhay at pag-aalaga sa mga anak.

"Pinakamaaga kong gising, 3:00 am. Basta naka-divide po 'yung oras ko para po magampanan ko [ang tungkulin ko sa kanilang] apat," paliwanag ni Willy.

Hindi sapat ang kita ni Willy sa pananahi lalo na at hiram lang ang sewing machine na ginagamit niya. Kadalasan nga, bunga ng tanim nilang mangga ang ulam nilang mag-anak.

 

 

Kaya nagpadala si Willy ng mensahe sa Facebook page ng GMA Kapuso Foundation para manawagan ng tulong para sa kanyang apat na special needs children.

"Sana po may tumulong po sa amin, pagpapa check-up po sa mga anak ko," aniya.

Sa mga nais mag-abot ng tulong para kay Willy at sa iba pang mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maaari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya,  GCash, Globe Rewards, at Metrobank credit card.

Maaari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee, Zalora, Mega Mart, at Lazada.