Batang may malaking bukol sa puwetan, humingi ng tulong sa GMA Kapuso Foundation | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Humingi ng tulong sa GMA Kapuso Foundation ang isang tatlong taong bata mula sa Tarangnan, Samar dahil sa malaking bukol sa kanyang puwetan.

Batang may malaking bukol sa puwetan, humingi ng tulong sa GMA Kapuso Foundation

By MARAH RUIZ

Naging kasabay na ng paglaki ng tatlong taong gulang na si Anagin mula sa Tarangnan, Samar ang bukol sa kanyang puwetan.

 

 


Tatlong taon na rin niya itong iniida at dahil sa laki nito, nakataglid kung matulog si Anagin.

Lagi rin siyang naka bistida para mas kumportableng makakilos.

"'Pag tinutukso siya ng mga bata, nasasaktan din po ako. Naiisip ko, 'pag lumaki siya, mahihiya," pahayag ng nanay ni Anagin na si Gina Coronas.

Tricycle driver ang tatay ni Anagin at kumikita ito ng P300 kada araw. Kahit kapos, pinipilit nila ni Gina na makaipon ng pambayad para sa mga check up ng bata.

Agad tumungo ang GMA Kapuso Foundation sa Tarangnan, Samar para alamin ang kundisyon ni Anagin.

Ipinakonsulta siya sa isang espesyalista sa Tacloban kung saan napag-alaman na mayroon siyang soft tissue tumor.

"May iba't ibang factors or dahilan kung bakit magkakaroon ng bukol or tumor ang isang bata. Isa na rito ang genetic factor or mutation sa DNA kung saan ang isang parte ng katawan ay abnormal na tumutubo ang mga cells na siyang nagiging dahilan ng pagtubo ng bukol," paliwanag ni Maria Socorro Kristina S. Medina, MD, MPM, Medical Officer III, Department of General Surgery sa Eastern Visayas Medical Center.

"Humihingi po kami ng tulong po na may tumulong po sa anak namin para po ma-operahan po siya," panawagan ni Gina.  

Sa mga nais mag-abot ng tulong kay Anagin at sa iba pang mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya,  GCash, Globe Rewards, at Metrobank credit card.

Maari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee, Zalora, Mega Mart, at Lazada.