GMA Kapuso Foundation, binalikan ang isang batang may autoimmune disease | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Kinumusta ng GMA Kapuso Foundation ang isang bata sa Northern Samar na dating ipinagamot dahil sa kanyang autoimmune disease.

GMA Kapuso Foundation, binalikan ang isang batang may autoimmune disease

By MARAH RUIZ

Taong 2017 noong nakilala ng GMA Kapuso Foundation ang batang si Alfred mula sa Northern Samar.

Napansin ng GMA Kapuso Foundation ang kundisyon ng kanyang balat nang nagsagawa ito ng Give A Gift: Alay sa Batang Pinoy Christmas project sa lugar nina Alfred.

Kapansin-pansin ang mga butlig at sugat niya sa katawan. Hindi na halos lumalabas ng bahay noon si Alfred dahil natatakot at umiiwas ang ibang tao sa kanya.

Minarapat ng GMA Kapuso Foundation na patingnan siya sa isang dermatologist sa Tacloban.

Dito na-diagnose ang kanyang sakit na chronic bullous disease of childhood, isang autoimmunne disease.

"Common 'to sa mga children five years old [and] below. Ito ay nag-uumpisa bilang mga parang butlig or blisters. It's autoimmune, meaning katawan mismo 'yung nagta-target sa mga healthy cells natin," paliwanag ni Dr. Yohann Kae Panis-Luzano, isang dermatologist.

Katuwang si Dr. Yohann, naipagamot ng GMA Kapuso Foundation si Alfred.

Matapos ang limang taon, muling binisita ng GMA Kapuso Foundation si Alfred para kumustahin.

Malaki na ang ipinagbago nito dahil masigla na siya at nakabalik na sa pag-aaral.

 

 

GMA Kapuso Foundation

 

 

"Nakakatulong na siya sa mga gawaing bahay. Minsan kasama siya sa bukid ng asawa ko," kuwento ni Lita Anterio, nanay ni Alfred.

Lubos ang pasasalamat niya sa paggaling ng anak.

"Masaya na 'ko at nagpapasalamat ako na gumaling siya at nandito rin siya kasama namin. Kasi noon, akala ko mamamatay na siya," emosyonal na pahayag ni Lita.

Bilang regalo, naghandog naman ang GMA Kapuso Foundation ng grocery packs at school supplies para kay Alfred.

"Maraming, maraming salamat po GMA Kapuso Foundation sa pagtulong ninyo kay Alfred at gumaling siya. Maraming maraming salamat po, Dr. Yohann Kae sa pagtulong mo," mensahe ni Lita.

Nagpapasalamat din ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa ni Dr. Yohann Kae Panis-Luzano (Dermatologist) at ng Sta. Clara Shipping sa proyekto.

Sa mga nais mag-abot ng tulong sa iba pang mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maaari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya,  GCash, Globe Rewards, at Metrobank credit card.

Maaari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee, Zalora, Mega Mart, at Lazada.