May 20 2022
Dalawang taon nang iniinda ng babaeng itatago natin sa pangalang Marina ang bukol na tumubo sa maselang bahagi ng kanyang katawan.
May mga kulugo na tumutubo sa kanyang kamay at paa at sa tingin daw ni Marina, dito galing ang bukol na ayon sa kanya ay sinlaki ng broccoli.
"Una po ay parang kanin lang po, tapos hanggang sa sobrang kati. Unti-unti po siyang parang jolen na po. Nagbubuo na po siya ng malalaki, para pong broccoli," paglalarawan ni Marina sa kanyang kundisyon.
Hirap din siyang maglakad at maging umupo dahil sa laki ng bukol. Nakatagilid din siya kung matulog. Bukod dito, hindi na rin kaaya-aya ang amoy nito kahit nililinis pa niya.
"Nililinisan ko na lang po ng sabon. Dati po nilalanggas langas ko lang po," kuwento niya.
Dahil sa kanyang kundisyon, kinakailangan pa ni Marina na magsuot ng diaper.
Ulila si Marina kaya walang kakayanang magpatingin sa isang espesyalista. Kaya naman naisipan niyang magpadala ng mensahe sa official Facebook page ng GMA Kapuso Foundation para manawagan ng tulong.
Agad naman tinugunan ng GMA Kapuso Foundation si Marina at inuluwas ng Maynila para maipatingin sa isang dermatologist.
"Marami na po kaming nahingan ng tulong kaso wala po talaga po kaming malapitan na iba. Nabigyan po ako ng pansin," pasasalamat niya.
Patuloy na tutulungan ng GMA Kapuso Foundation si Marina para malaman ang kanyang kundisyon at kung paano niya ito nakuha.
Nagpapasalamat din ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa ni Dr. Grace Beltran, ng CDRRMO at ng Cleeneco.
Sa mga nais mag-abot ng tulong kay Marina at sa iba pang mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.
Maaari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya, GCash, Globe Rewards, at Metrobank credit card.
Maaari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee, Zalora, Mega Mart, at Lazada.
advertisement
advertisement
Comments
comments powered by Disqus