GMA Kapuso Foundation, ipinasuri ang magkapatid na vendor sa Antipolo | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Ipinasuri ng GMA Kapuso Foundation ang magkapatid mula sa Antipolo na naglalako ng prutas at itlog para makatulong sa kanilang pamilya.

GMA Kapuso Foundation, ipinasuri ang magkapatid na vendor sa Antipolo

By MARAH RUIZ

Sa murang edad, literal na pasan ng 14-year-old na si Patchao at 12-year-old na si Tommy ang responsibilidad sa pamilya.

Araw-araw silang naglalako ng prutas, buhat ang isang kahon na nasa 15 to 18 kilos ang bigat. Kapag naubos na ang prutas, patong-patong na tray ng itlog naman ang kanilang bubuhatin para ibenta.

"Lagi po kaming magkasama niyan po. Tumakas po kami sa bahay tapos nagtinda po kami," kuwento ni Jhon Mark "Patchao" Balangquit

"May kapatid po akong may sakit din po eh. 'Yung bunso po, minsan namamaga po 'yung mukha niya," pahayg naman ni Nilmer "Tommy" Balangquit.

Nag-aaral dati sina Patchao at Tommy pero natigil sila dahil sa pandemic. Ngayon trabaho muna ang pinagkakaabalahan ng magkapatid.

Bilang tulong, ipinasuri ng GMA Kapuso Foundation sina Patchao at Tommy, pati na ang bunso nilang kapatid.

 

 

 

Dito nalamanag malnourished sila. Ang kanilang timbang at laki ay hindi akma sa kanilang edad. May asthma din si Tommy.

"Si Tommy po, mababa ang kaniyang timbang sa edad po niya. Supposedly dapat 39.5 kilos siya. Siyo po ngayon ay nasa 27 kilos lang po," pahayag ng pediatrician na si Dr. Jocelyn A. Yadao-Agonoy.

Ipinaliwanag din ni Dr. Jocelyn kung gaano kabigat lang ang dapat pinapasan ni Tommy.

"Kung kukumpyutin natin base po sa timbang po ng bata na 27 kilos, dapat nasa limang kilo lang po ang ideal na kine-carry po noong bata," aniya.

"Si Patchao po, dapat po nasa 50 kilos siya. Ngayon po ay 46 kilos lang. Sa edad po niya na 14 years old at sa bigat po na 46 kilos, ano po ang 20 percent ng dapat na kaniyang binubuhat? Nine kilos lang po," paliwanag ni Dr. Jocelyn sa kundisyon ni Patchao.

Ang bunso nilang kapatid, may hika rin tulad ni Tommy.

Binigyan sila ng GMA Kapuso Foundation ng grocery packs, vitamins, gamot, nebulizer at iba pang pangangailangan.

"Maraming salamat po sa lahat ng nagbigay," pahayg ni Cison Balangquit, ama nina Patchao at Tommy.

Sa mga nais mag-abot ng tulong sa iba pang proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya,  GCash, Globe Rewards, at Metrobank credit card.

Maari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee, Zalora, Mega Mart, at Lazada.