GMA Kapuso Foundation, naghandog ng refrigerator sa nanay na letter sender | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Sumulat ang isang 70-year-old na nanay sa GMA Kapuso Foundation para humiling ng refrigerator na magagamit niya sa kanyang hanapbuhay.

GMA Kapuso Foundation, naghandog ng refrigerator sa nanay na letter sender

By MARAH RUIZ

Araw-araw namamalangke ang 70 taong gulang na letter sender na si Fermina Macallan mula sa Cavite.

Wala kasi siyang refrigerator na mapaglalagyan ng mga rekado para sa mga paninda niyang pagkain. Dahil sa pandemic, binenta nila ang kanilang bahay sa Laguna pati na mga gamit dito.

Kaya naman sinubukang sumulat ni Fermina sa GMA Kapuso Foundation sa pagbabakasakaling mapansin ang hiling na refrigerator para sa kanyang hanapbuhay.

Magiging malaking tulong ito sa kanyang hanapbuhay para makapagbayad ng renta at may maipambili ng gamot sa hypertension.

Bilang pagpupugay sa mga nagsusumikap na ina ngayong Women's Month, agad binalikan ng GMA Kapuso Foundation si Fermina para sorpresahin ng isang refrigerator mula sa Hanabishi at grocery packs.

 

 

Sa ilalim ng naman ng Bisig Bayan program, nagbigay din sa kanya ang GMA Kapuso Foundation ng isang buwang supply ng maintenance medicine.

"Overwhelming. Napakasaya, masaya talaga. Sa panahon ngayon, hindi ko na mabibili ito," pahayag ni Fermina tungkol sa natanggap na bagong appliance.

Hindi na niya ngayon kailangan makilagay ng pagkain sa refrigerator ng kapitbahay.

"Napakahalaga niyan kasi katulong ko 'yan sa paghahanapbuhay. Kung wala 'yan, sira lahat ang pakain mo," aniya.

Dahil dito, ready na siya at kanyang anak na magbenta ng pagkain online para mas lumaki pa ang kita.

"Maraming, maraming salamat po, GMA Kapuso Foundation. Kay Ma'am Mel Tiangco, siya ang sinulatan ko eh, talagang salamat po sa kanya," mensahe ni Fermina.

Nagpapasalamat naman ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa ng Hanabishi at Alphastar Laboratory and Multispecialty Clinic.

Sa mga nais mag-abot ng tulong sa iba pang proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maaari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya,  GCash, Globe Rewards at Metrobank credit card.

Puwede ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee, Zalora, Mega Mart at Lazada.