70-taong gulang na nanay, humihiling ng refrigerator sa GMA Kapuso Foundation | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Sumulat ang isang 70-taong gulang na nanay sa GMA Kapuso Foundation para manawagan ng refrigerator na magagamit niya sa kanyang paghahanapbuhay.

70-taong gulang na nanay, humihiling ng refrigerator sa GMA Kapuso Foundation

By MARAH RUIZ

Pagluluto ang hilig ng 70-taong gulang na si Fermina Macallan mula sa Cavite. Nagtrabaho siya bilang isang canteen supervisor sa loob ng 13 taon. Sa kasamaang palad, naapektuhan ng pandemya ang kanyang trabaho.

"'Yung mga gamit kong naiwan, sa laguna pa lang binebenta ko na. Marami akong gamit kasi nga nagfu-food order kami noong mga panahong 'yun," kuwento ni Fermina.

Sinubukan niyang magtinda online pero hindi sapat ang kita. Nakahanap naman ng trabaho sa Cavite ang kanyang anak pero tatlong buwan pa lang ito doon kaya nagdesisyon si Fermina na muling magtinda ng pagkain.

"Kailangan kong kumilos. 'Yung gastos kong pambayad ng, unang una, maintenance, pangalawa itong bahay. 'Yung mga anak ko ang inspirasyon ko. Talagang napakasaya ko noong napagtapos ko sila, sa hirap ng buhay," bahagi niya.

Ang isang problema ni Fermina ngayon ay kawalan nila ng refrigerator na mapaglalagyan ng mga paninda. Dahil dito, minsan napapanis ang pagkain kapag hindi naubos.

Naglalakad si Fermina at kanyang anak para makilagay lang ng pagkain sa refrigerator ng kapitbahay.

 

 

Sumulat si Fermina sa GMA Kapuso Foundation para humiling ng refrigerator, maski segunda mano.

"'Yun ang pinakamahirap doon kasi talagang wala akong lalagyan noon," aniya.

Sa ilalim ng Bisig Bayan Project, nananawagan ang GMA Kapuso Foundation ng tulong para sa refrigerator ni Fermina pati na pambli ng kanyang mga gamot sa high blood pressure.

Sa mga nais mag-abot ng tulong sa kanya at sa iba pang proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maaari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya,  GCash, Globe Rewards at Metrobank credit card.

Puwede ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee, Zalora, Mega Mart at Lazada.