Batang ipinaopera dahil sa malaking bukol, binisita muli ng GMA Kapuso Foundation | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Binisita ng GMA Kapuso Foundation ang isang batang ipinaopera dahil sa malaking bukol sa katawan para kumustahin at hatiran ng mga regalo.  

Batang ipinaopera dahil sa malaking bukol, binisita muli ng GMA Kapuso Foundation

By MARAH RUIZ

March 2020 noong unang nakilala ng GMA Kapuso Foundation ang batang si Qwinzy Bangalan mula sa liblib na munisipalidad ng Ballesteros sa Cagayan.

May malaki siyang bukol sa puwetan kaya hindi nakakalakad o nakakatayo.

Sa tulong ng Philippine Army at Philippine Airforce, inilipad ng GMA Kapuso Foundation si Qwinzy mula Cagayan papuntang Manila.

Nakatakda na sana siyang operahan noong 2020 pero na-delay ito dahil sa pandemic.

Nang muling pinatingnan si Qwinzy, nalamang may kundisyon siyang spina bifida.

"Nakita nila na hindi siya bukol. Nakita nila na may koneksiyon 'yung spinal cord sa mass na ang laman niya ay fluid," paliwanag ni Dr. Marcus Lester Suntay, pediatric surgeon.

Noong August 11, 2021, matagumpay nang naoperahan si Qwinzy sa Philippine Children's Medical Center. Natanggal dito ang spinal fluid na may bigat na isa't kalahating kilo.

 

Operation Bayanihan

 

"Dati po, may mabigat po ako na bukol. Ngayon, magaan na po ang pakiramdam ko," masayang pahayag ni Qwinzy.

Binalikan ng GMA Kapuso Foundation ang bata para kumustahin ang kalagayan at handugan ng iba't ibang regalo. Sa ngayon, hirap siya sa paglalakad pero maayos nang nakakaupo.

Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa World Surgical Foundation Philippines, Volunteer Nurses of ORNAP, Philippine Army 5th Infantry Division, Philippine Airforce, Philippine Redcross, at Childhaus sa pakikiisa sa proyektong ito.

Nangangailangan pa rin ng tulong si Qwinzy para sa tuloy-tuloy niyang paggaling.

Sa mga nais mag-abot ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

 

Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya,  GCash, Globe Rewards, at Metrobank credit card.

Maari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee, Zalora, Mega Mart, at Lazada.