GMA Kapuso Foundation, binigyan ng laptop ang anak ng isang PWD solo parent
February 16 2022
By MARAH RUIZ
Solo parent na person with disability o PWD si Maria Luzvilla Reandino o Luz na taga Leyte at mag-isa niyang itinataguyod ang kanyang anak.
Nagkaroon ng polio si Luz kaya hirap siyang tumayo at maglakad. Madalas siyang madulas tuwing gumagamit ng saklya kaya isang upuan ang nagsisilbing mga paa niya.
Kahit may kapansanan, tumatanggap ng mga customer sa bahay na gustong manicure at pedicure sa halagang P120.
Kapos ito para sa gastusin nilang mag-ina sa pang araw araw lalo na ngayong may pandemic.
"Mahirap ang ang katulad sa akin na single mother, walang tumutulong sa ngayon," pahayag ni Luz.
Bukod dito, second year sa kolehiyo at kumukuha ng kursong Information Technology o IT ang kanyang anak na si Dolly Ann Reandino.
Para maka-attend ng kanyang online class, pumupunta sa bahay ng kaklase si Dolly dahil wala siyang magamit na laptop.
"IT po kasi ako, tapos need po kasi ng laptop lalo na ngayon. Mahirap po kasi 'yung pamasahe pa lang papunta doon, P50 na," kuwento ni Dolly.
Naisip na minsan ni Dolly na tumigil ng pag-aaral pero tumutol dito si Luz.
"Magtiis ka lang muna. Gagawa ako ng paraan, kahit anong paraan, basta makapag-aral ka lang," payo sa kanya ni Luz.
Dahil dito, sinubukan ni Luz sumulat sa GMA Kapuso Foundation para humiling ng laptop para sa anak na si Dolly.
Bilang tugon, binisita ng GMA Kapuso Foundation ang mag-ina sa kanilang tirahan sa Leyte para maghatid ng Kapuso grocery packs at regalong laptop para kay Dolly.
"Malaking tulog po. Hindi na po ako manghihiram," pasasalamat ni Dolly.
Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa ng Metropolitan Bank and Trust Company, at EM-Core 24 Alkaline C sa proyekto.
Sa mga nais mag-abot ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.
Maari ding magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya, GCash, Globe Rewards at Metrobank credit card.
Maari din mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa sa Shopee, Zalora, Mega Mart at Lazada.
Comments
comments powered by Disqus