GMA Kapuso Foundation, namigay ng bagong bubong para sa mga naapektuhan ng bagyong Maring | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Namigay ang GMA Kapuso Foundation ng bagong bubong para sa mga residente ng Luna, La Union na naapektuhan ng bagyong Maring.

GMA Kapuso Foundation, namigay ng bagong bubong para sa mga naapektuhan ng bagyong Maring

By MARAH RUIZ

Hindi nagtatapos sa relief goods ang tulong na ibinibigay ng GMA Kapuso Foundation sa nasalanta ng bagyo.

Nagpapatuloy ang pag-alalay ng GMA Kapuso Foundation hanggang sa sa pagbangon ng mga residente, tulad na lang sa Luna, La Union.

Dahil sa pananalasa ng bagyong Maring noong Oktubre ng nakaraang taon, maraming nasira ang mga bahay.

Isa na rito ang bahay ni Perlita dela Cruz.

"Hindi ko naramdaman ang takot noon dahil ang inaalala ko 'yung mga apo ko, kung paano kami makaligtas sa tubig na 'yan na malalim na," paggunita ni Perlita.

Hindi magawang bitawan ni Perlita ang nasira nilang bahay dahil dito siya gumawa ng magagandang alaala kasama ang pamilya. Kaya naman pinaglumaang yero ng kapitbahay ang ginagamit nilang silungan.

Isa siya sa mga residente ng Luna, La Union na nahandugan ng bago at matibay na bubong ng GMA Kapuso Foundation sa ilalim ng Silong Kapuso project.

"Bago na. Hindi na kami matutuluan [kapag] matutulog. Buong pasasalamat," pahayag ni Perlita.

 

Kapuso Foundation

 


Katuwang ng GMA Kapuso Foundation sa proyekton ang AFP Northern Luzon Command, Philippine Army 7th Infantry Division, 548th Engineer Construction Battalion, 81st Infantry Battalion, Municipality of Luna, La Union, CDO Foodsphere Inc., at Barrio Fiesta Foods.

Sa susunod na buwan, uumpisahan na ng GMA Kapuso Foundation ang isa na namang Silong Kapuso project sa Visayas at Mindanao para sa mga nasalanta ng super typhoon Odette sa Bohol, Limasawa Island, at Southern Leyte.

Sa mga nais mag-abot ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya,  GCash, Globe Rewards, at Metrobank credit card.

Maari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa sa Shopee, Zalora, Mega Mart, at Lazada.