GMA Kapuso Foundation, naghatid ng tulong sa 7,600 tao sa Limasawa Island
January 20 2022
By MARAH RUIZ
Napapaligiran man ng mga natumbang puno at nasirang daan, nanatiling matatag at nakangiti ang mga residenteng naapektuhan ng bagyong Odette sa Limasawa Island sa Southern Leyte.
Ang punong barangay ng Magallanes na si Amy Gabriel, nasira ang bahay. Hindi rin nakaligtas sa hagupit ng bagyo ang opisina at health center ng barangay.
"Walang naiwan. Lahat tumba, lahat sira. 'Yung mga gamit namin sa barangay, lahat walang naiwan, sira," pahayag ni Amy.
Malalaki man ang alon, tumungo pa rin ang GMA Kapuso Foundation sa Limasawa Island para maghatid ng tulong. Mula Ormoc, anim na oras ang biyahe papunta dito.
Namahagi ang GMA Kapuso Foundation ng food packs at kumot sa anim na barangay. Sa kabuoan, 7,600 tao ang natulungan sa Limasawa.
Katuwang ng GMA Kapuso Foundation sa pagpapatuloy ng Operation Bayanihan ang Philippine Army, 8th Infantry Division, 802nd Infantry Brigade, 14th Infantry Battalion, 546th Engineer Construction Battalion; 8th Forward Service Support, ASCOM; Philippine Coast Guard-Eastern Visayas; Meridian Shipping and Container Carrier Inc.; Philippine Airlines Foundation; Sogo Cares by Hotel Sogo; Gardenia Bakeries Philippines Inc.; at Shopee.
Sa mga nais mag-abot ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.
Maaari ding magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya, GCash, Globe Rewards, at Metrobank credit card.
Maaari din mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa sa Shopee, Zalora, Mega Mart, at Lazada.
Comments
comments powered by Disqus