GMA Kapuso Foundation, nagsagawa ng pangatlong bugso ng relief operations sa Consolacion, Cebu
January 19 2022
By MARAH RUIZ
Maayos at hanggang dalawang palapag ang bahay ni Elvin Mercado sa Consolacion, Cebu.
Sa kasamaang palad, nasira ito ng bagyong Odette kaya pinagtagpi tagping donasyong yero at piraso ng kahoy ang natira dito ngayon.
"'Yung bahay ko, two-storey so kahoy lang. Sa lahat ng nangyari na bagyo, ito lang Odette ang pinaka malakas. Ito 'yung naka guho sa bahay ko," pahayag ni Elvin.
Nagtatrabaho siya bilang tanod at ume-extra sa habal habal pero kulang na sa pangangailangan ng limang anak ang kanyang kinikita.
"Madami kami sa bahay namin kaya hirap na hirap na wala kaming pera," ani Elvin.
Pinagtiyatiyagaan nilang mag-anak ang pansalamantalang tinirahan kahit hindi pa pulido at hindi pa nakapako nag mga yero dito,
"Kahit hindi po napakuan at least may masilungan lang po kami," paliwanag niya.
Patuloy na nagtatrabaho sa barangay si Elvin para mapagserbisyuhan ang mga kababayan sa gitna ng lahat ng kanyang sinapit.
Isa siya sa mga natulungan sa ikatlong bugso ng Operation Bayanihan sa Consolacion, Cebu. Naghatid dito ang GMA Kapuso Foundation ng food packs at hygiene kits para sa mga residente. Nagsagawa rin ng feeding program para sa 500 indibidwal.
Katuwang pa rin ng GMA Kapuso Foundation ang Armed Forces of the Philippines, Joint Task Force NCR, 14th CMO Battalion, CMOR; Philippine Army, Joint Task Force Cebu, 82nd Infantry Battalion; PNP Consolacion, Cebu; Bureau of Fire Protection-San Fernando and Consolacion, Cebu; Mariwasa Siam Ceramics; Globe Rewards and Globe Rewards customers; Sogo Cares by Sogo Hotel, Readycon Trading and Construction Corporation, McDonald's Kindness Kitchen, at Shopee.
Sa mga nais mag-abot ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.
Maari ding magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya, GCash, Globe Rewards at Metrobank credit card.
Maari din mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa sa Shopee, Zalora, Mega Mart at Lazada.
Comments
comments powered by Disqus