January 18 2022
Sa mga paaralan at evacuation center pansamantalang sumisilong ang ilang mga nasalanta ng bagyong Odette sa Cebu.
Sa munisipalidad ng San Fernando, isang paaralan ang nagsisilbing tahanan ng ilang pamilyang apektado ng bagyo.
Halos isang buwan nang naninirahan doon sina Marilou Villafuerte at kanyang pamilya.
Tinumba kasi ng bagyong Odette ang bahay na unti unti nilang ipinundar ng kanyang mister. Hindi rin nila alam kung paano magsisimula muli lalo na at matanda na at sakitin pa ang asawa.
"Masakit lang sa damdamin dahil lahat ng pinatrabahuhan ng aking anak at asawa ay nawala lang. Ang lahat ng kanilang pinagtrabahuhan ay nabalewala ba," emosyonal na pahayag ni Marilou.
Sa isang silid aralan, anim na pamilya ang naninirahan. Dito na rin sila nagluluto, habang sa sahig kumakain. Ang walkway ng paaralan, naging sampayan na rin ng kanilang mga damit.
Kabilang sila sa mga hinatiran ng tulong ng GMA Kapuso Foundation sa pagsasagawa nito ng feeding program at pagbibigay ng relief goods sa 3,200 indibidwal sa San Fernando at Consolacion sa Cebu.
Ang mga lugar na ito ay kabilang sa third wave ng Operation Bayanihan ng GMA Kapuso Foundation para sa mga nasalanta ng bagyong Odette.
Katuwang pa rin ng GMA Kapuso Foundation ang Armed Forces of the Philippines, Joint Task Force-NCR, 14th CMO Battalion, CMOR, Philippine Army, Joint Task Force-Cebu, 82nd Infantry Battalion; PNP-Consolacion, Cebu; Bureau of Fire Protection-San Fernando and Consolacion, Cebu; Quick Reliable Services, Mariwasa Siam Ceramics, Lazada Philippines, McDonald's Kindness Kitchen, Philippine Airlines, at Reyes Tacandong & Co.
Lubos din nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa P1 million na donasyon ng Mariwasa Siam Ceramics para sa probinsiya ng Cebu.
"Maraming salamat sa GMA Kapuso Foundation. Maraming salamat," pahayag ni Marilou.
Sa mga nais mag-abot ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.
Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya, GCash, Globe Rewards, at Metrobank credit card.
Maari rin mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa sa Shopee, Zalora, Mega Mart at Lazada.
advertisement
advertisement
Comments
comments powered by Disqus