GMA Kapuso Foundation, nagdaos ng feeding program sa Dinagat Islands
December 31 2021
By MARAH RUIZ
Dumayo ang GMA Kapuso Foundation sa ilang barangay sa Dinagat Islands para magsagawa ng feeding program para sa mga naapektuhan ng bagyong Odette doon.
Sa Brgy. Rita Glenda, Baselisa, 250 katao ang nabigyan ng pancit, tinapay, at tubig.
"Maraming salamat sa GMA Kapuso Foundation. Medyo kailangan talaga nating i-ensure ang nutriton in emergencies," pahayag ni Dr. Jillian Franchise Lee, provincial health officer sa Dinagat Islands.
Naghatid din ng sopas, tinapay, at tubig ang GMA Kapuso Foundation sa Brgy. Bagumbayan.
"'Yung unang nakarating dito, itong GMA Kapuso Foundation pa lang. Kami po ay nagpapasalamat nang malaki doon sa GMA Kapuso Foundation. Busog sila sa mga binigay niyong sopas at saka tinapay," mesahe naman ni Ray J. Fermilan, kagawad sa Brgy. Bagumbayan.
Katuwang ng GMA Kapuso Foundation ang Philippine Army, 42nd CMO Company, 901st Infantry Brigade; Philippine Coast Guard, BRP Cape San Agustin MRRV-4408; PNP BISOC (Basic Internal Security Operation Course) Class 2021 Caraga 13; Nivea, Maunlad Rice Mill Corporation; Home Credit Philippines; Accurate Medical Diagnostic Center (Accumed) Inc.; FastCat at Zapport Services Inc.
Sa mga nais mag-abot ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.
Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya, GCash, Globe Rewards, at Metrobank credit card.
Maari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa sa Shopee, Zalora, Mega Mart, at Lazada.
Comments
comments powered by Disqus