December 28 2021
Isa ang lalawigan ng Bohol sa napuruhan ng bagyong Odette.
Maraming nasirang mga bahay, napinsalang mga gusali at natumbang mga puno.
Sa kabila nito, nanatiling matatag ang limang Kapuso Schools na ipinatayo ng GMA Kapuso Foundation sa Bohol noong 2016.
Hindi nasira ang bubong at hindi nilipad ang mga yero ng classrooms kaya ito ang naging takbuhan ng mga residenteng walang masilungan noong bagyong Odette.
Isa na dito ang pamilya ni Teofisto Plaza, na naging bahagi ng pagtatayo ng Kapuso School bilang isang volunteer.
"Nag-volunteer na ako. Kaya alam ko talagang matibay 'yan. Buhos lahat 'yan. Kung walang Kapuso classroom, baka patay na kami," bahagi ni Teofisto na pansamantalang namamalagi sa Cabanugan Integrated School sa San Isidro, Bohol.
Nadaganan kasi ng puno ng niyog ang kanilang tirahan.
"Sana may maawa sa amin. Wala nang mauwian sa amin, wala na talaga," emosyonal na pahayag ni Teofisto.
Para matulungan si Teofisto, hinatiran siya ng GMA Kapuso Foundation ng relief goods na mapagsasaluhan ng kanilang pamilya.
Mahigit 50 pamilya din ang lumikas sa Kapuso School builing sa Calatrava Elementary School sa Carmen, Bohol.
"Malaking bagay po ang GMA classroom. Kung wala pa ang GMA, ano na kaya ang nangyari sa mga tao?" pahayag naman ni Ma. Consuelo Bautista, guro sa Calatrava Elementary School.
Patuloy ang pamamahagi ng GMA Kapuso Foundation ng tulong sa Bohol. Nagsimula na rin ang pamamahagi ng relief goods sa Roxas, Palawan.
Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa ng Armed Forces of the Philippines, Philippine Army, Philippine Navy, Philippine Airforce, Philippine Coastguard, 702nd CDC, 7RCDG, ARESCOM, Pascual Laboratories Inc. (PascualLab), Cool & Cool Philippines, at Pulusan Nacpil Consumer Goods Trading sa operasyon.
Sa mga nais mag-abot ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.
Maaari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya, GCash, Globe Rewards, at Metrobank credit card.
Maaari rin mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa sa Shopee, Zalora, Mega Mart, at Lazada.
advertisement
advertisement
Comments
comments powered by Disqus