December 24 2021
Isa sa pinakamagandang tanawin sa bansa ang Siargao na dinarayo ng turista at surfers.
Pero dahil sa bagyong Odette, natumba ang mga puno ng niyog at nasira ang maraming bahay dito. Wala ring kuryente at signal sa ngayon.
Tubig mula sa poso ang iniinom ng mga residente at umaasa muna sila sa relief goods.
Nawasak ang bahay ni Elena Lorozo na taga-Gen. Luna City, Siargao Island.
"Ang mga gamit namin, nagkaputik putik na. Wala kaming magawa kasi wala na nga kaming pera pangpagawa," emosyonal na pahayag ni Elena.
Pagbebenta ng kahoy ng niyog ang pinagkakakitaan ng kanyang pamilya.
"Halos hindi na kami kumakain. Tipid tipid na lang kami. Nag-uulam kami ng asin," bahagi niya.
Gayunpaman, malaki ang pasasalamat niya na ligtas ang kanilang pamilya.
"Kahit ano, tanggapin ko basta mabuhay lang 'yung mga anak ko 'tsaka apo ko," ani Elena.
Isa siya sa 4,000 indibidwal apektado ng bagyong Odette sa Gen. Luna City, Siargao Island na nahatiran ng relief goods ng GMA Kapuso Foundation sa pagpapatuloy ng Operation Bayanihan.
Kinailangang sumakay ng GMA Kapuso Foundation sa S70I Black Hawk ng Philippine Airforce para maitawid ang relief goods dahil limitado sa ngayong ang byahe ng mga RORO.
"Nagpapasalamat ako sa Panginoon na dumating 'yung GMA Kapuso Foundation. Wala talaga pong nakabigay dito, kayo lang," mensahe ni Elvesa Javier, chairman sa Brgy. Consuelo.
Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa patuloy na pakiiisa ng Philippine Army; MGen. Romeo Brawner Jr., Commanding General (CGPA); Philippine Army 4th Infantry Division, 901st Infantry Brigade, 103rd Infantry (Haribon) Brigade; 1st Infantry Division; Safecare PH and Dr. Lab Express, Globe and Globe customers, at Procter and Gamble Philippines Inc.
Sa mga nais mag-abot ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.
Maaari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya, GCash, Globe Rewards at Metrobank credit card.
Maari din mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa sa Shopee, Zalora, Mega Mart at Lazada.
advertisement
advertisement
Comments
comments powered by Disqus