GMA Kapuso Foundation, nagbigay ng regalo sa mga vegetable farmers ng Mankayan, Benguet | GMANetwork.com - Foundation - Articles
Sa pagpapatuloy ng 'Give a Gift: Alay sa Batang Pinoy Christmas' project, nagbigay ang GMA Kapuso Foundation ng regalo para sa mga anak ng vegetable farmers sa Mankayan, Benguet.
GMA Kapuso Foundation, nagbigay ng regalo sa mga vegetable farmers ng Mankayan, Benguet
December 17 2021
By MARAH RUIZ
Simula pagkabata, pagsasaka na ang ikinabuhay ng vegetable farmer na si Joey Bahay mula sa Mankayan, Benguet.
"Hindi kami uuwi 'pag hindi tapos 'yung trabaho. Kung sa hirap, wala kaming magagawa kung mahirap. 'Yun 'yung trabaho namin eh," pahayag ni Joey.
Kapag may kalamidad, suwerte na kung may maisalba pa sa kanyang mga pananim.
"Mas inaalagaan mo pa 'yung tanim mo kesa sa pamilya mo, tapos biglang nawala," lahad niya.
Dumagdag pa dito ang pandemya na naging dahilang kung bakit hindi mabenta ang mga inaaning gulay.
Gayunpaman, nagsisikap pa rin siya para sa kinabukasan ng pamilya.
"Kung hindi kami nakapag-aral, sila man lang. At least, para hindi naman sila matulad sa amin na sa bukid na nga naipanganak, sa bukid na lumaki, sa bukid pa rin tatanda," paliwanag ni Joey.
Para matulungan ang mga tulad niya, naghandog ang GMA Kapuso Foundation ng gift bags na may lamang Noche Buena package, hygiene kit at laruan para sa mga bata sa ilalim ng Give a Gift: Alay sa Batang Pinoy Christmas project.
"Sa GMA po, maraming maraming salamat po at saka sana mas marami pa kayong matulungan lalo na 'yung dito sa amin. Siguro sa ilang taon kong andito, ngayon lang po kami [natulungan] at 'yung GMA pa 'yung naunang nagbigay sa amin ng ganito," pasasalamat ni Joey.
Katuwang ng GMA Kapuso Foundation sa proyekto ang PNP Manyakan, Chewies Immonolicious, Prime Global Phils.-HBC, Sogo Cares by Hotel Sogo, Philippine Airlines Foundation, at Jollibee Group.
Samantala, naka standby na rin ang team ng GMA Kapuso Foundation sa Samar at Cebu para mamahigi ng relief goods sa mga maaapektuhan ng bagyong Odette.
Sa mga nais mag-abot ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.
Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya, GCash, Globe Rewards at Metrobank credit card.
Maari rin mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa sa Shopee, Zalora, Mega Mart at Lazada.
Comments
comments powered by Disqus