GMA Kapuso Foundation, nakapaghatid ng regalo para sa 2,405 mag-aaral sa Masbate | GMANetwork.com - Foundation - Articles
Bilang bahagi ng Give A Gift: Alay sa Batang Pinoy Christmas project, nakapaghatid ng maagang pamasko ang GMA Kapuso Foundation sa mga mag-aaral sa Masbate.
GMA Kapuso Foundation, nakapaghatid ng regalo para sa 2,405 mag-aaral sa Masbate
December 16 2021
By MARAH RUIZ
Ulila na ang 12 years old na si Razel Bueta na taga San Fernando, Masbate.
Ang kanyang tita na si Gemma Almoguera ang tumatayong magulang niya ngayon.
"Simula po noong namatay kasi ang mga magulang niya, doon siya sa Maynila. Sabi ng tatay ko, dalhin mo dito 'yung anak ng kapatid mo," kuwento ni Gemma.
Bilang nag-iisang kamag-anak ni Razel, sinisikap niyang mapalaki ito ng maayos. Isa lang din daw ang pangarap niya para rito.
"Makapagtapos siya ng pag-aaral, kung sakali," ani Gemma.
Pagtatanim at pag-aalaga ng hayop ang ikinabubuhay nina Gemma. Kahit PhP100 lang ang kita nila bawat araw, sinisikap ding tumulong ni Razel.
"'Pag umaaga, nagpapakain ng kalabaw at 'pag gabi, nagmo-module," kuwento ni Razel sa ginagawa niya araw-araw.
Tinawid ng GMA Kapuso Foundation ang Ticao Island sa Masbate province para makamapahagi ng maagang pamasko sa mga batang tulad ni Razel.
Sa ilalim ng Give a Gift: Alay sa Batang Pinoy Christmas project, 2,405 na mga estudyante sa Masbate ang nabigyan ng gift bags ng GMA Kapuso Foundation.
Katuwang sa proyekto ang AFP-SOLCOM; Philippine Army 2nd Infantry Division, 9th Infantry Division; Philippine Airlines Foundation; Sta. Clara Shipping Lines; at Nehemiah Superfood.
“Merry Christmas po at salamat sa regalong binigay niyo," pahayag ni Razel.
Samantala, naka-standby na rin ang team ng GMA Kapuso Foundation sa Samar at Cebu para mamahagi ng relief goods sa mga maaapektuhan ng bagyong Odette.
Katuwang ng GMA Kapuso Foundation sa Operation Bayanihan ang Philippine Army 8th Infantry division at 803rd Brigade.
Sa mga nais mag-abot ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.
Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya, GCash, Globe Rewards, at Metrobank credit card.
Maari rin mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa sa Shopee, Zalora, Mega Mart, at Lazada.
Comments
comments powered by Disqus