GMA Kapuso Foundation, naghatid ng regalo sa mga estudyante sa Masbate City
December 15 2021
By MARAH RUIZ
Hindi hadlang sa pangarap ni estudyanteng si Gervie Elmedo ang 2.5 kilometrong nilalakad niya kada araw para makarating sa Sinalongan Elementary School sa Masbate City.
Masaya siya sa pagbabalik niya sa eskuwelahan dahil nahirapan siya noon sa modular distance learning. Wala kasing kuryente at signal sa kanilang bahay.
"Ngayong panahon, puro sa cellphone, research," pahayag ng nanay ni Gervie na si Elvira Elmedo.
Minsan, kailanganan pa niyang gumastos ng malaki para kunin ang module ng mga anak. Dahil dito, nababawasan pa ang kita sa paggawa ng walis tingting at mga tindang pananim.
Suwerte pa rin si Elvira dahil dumidiskarte ang mga anak para matulungan siya.
"Namumulot sila ng bao diyan sa mga damuhan. Inuuling niya 'yan tapos binebenta nila ng kinilo," kuwento niya.
Bilang maagang pamasko, kabilng ang mga anak niya sa 322 mag-aaral na hinandugan ng regalo ng GMA Kapuso Foundation sa ilalim ng Give A Gift: Alay sa Batang Pinoy Christmas project.
Katuwang ng GMA Kapuso Foundation sa proyektong ang AFP-SOLCOM; Philippine Army 2nd Infantry Division, 9th Infantry Division, Philippine Airlines Foundation, at International Pharmaceutical Incorporated.
"Napakalaking tulong po nito sa aming mga learners, sa aming ma mag-aaral at sa kanilang mga pamilya lalo na malapit na po ang Pasko," mensahe ni Fatima D. Buen, OIC-School Division Superintendent, DepEd SDO Masbate.
Sa mga nais mag-abot ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito: www.gmanetwork.com/kapusofoundation/donate
Maari ding magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya, GCash, Globe Rewards at Metrobank credit card.
Maari din mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa sa Shopee, Zalora, Mega Mart at Lazada.
Comments
comments powered by Disqus