December 15 2021
Isa si Lucrecia Ramirez sa mga residente ng Luna, La Union na lubos na naapektuhan ng bagyong Maring noong nakaraang Oktubre.
"Noong umakyat ako sa taas, malapit sa yero na ako nakarating. Mabuti may tali at itinali ko sa kahoy. Doon ako nakaupo," kuwento ni Lucrecia sa kanyang karanasan.
Nasira ng bagyo ang ilang bahagi ng kanyang tahanan.
"Natanggal 'yung bubong--tinangay ng hangin kasi malakas 'yung hangin. Buti kamo 'yung tali na [pinagtalian] ko doon, hindi na natanggal 'yung dalawang yero," pagggunita ni Lucrecia.
Nangamba siya na magpa-Pasko siya nang walang maayos na masisilungan. Para matulungan siya at iba ang katulad niya, inulunsad ng GMA Kapuso Foundation ang Silong Kapuso Project kung saan papalitan at mas patitibayin ang mga bubong na nasira at nilipad ng bagyo.
Isa ang Luna, La Union na hinatiran ng GMA Kapuso ng relief goods noong kasagsagan ng bagyong Maring noong October 2021.
Sa pagbabalik dito ng GMA Kapuso Foundation, dala nito ang mga bagong yero at iba pang materyales para ayusin ang bubong ng mga bahay sa Brgy. Rimos 5.
Sa kabuuan, 70 na mga bahay ang napabilang sa Silong Kapuso project.
Bukod dito, nagbigay din ng grocery packs ang GMA Kapuso Foundation para makumpleto ang Pasko ng mga residente.
"Ang aking yero ay napalitan. Ang saya saya ko. Maraming maraming salamat," mensahe ni Lucrecia.
Katuwang ng GMA Kapuso Foundation sa proyekto ang AFP-NOLCOM; Philippine Army 51st Engineer Brigade, 548th Engineer Construction Battalion, 7th Infantry Division, 81st Infantry Battalion; MSWDO-Luna, La Union; Jollibee Group; Odyssey Foundation Inc.; Barrio Fiesta Foods, Procter and Gamble Philippines Inc.; Smart Meals, Sogo Cares by Hotel Sogo; at International Pharmaceutical Incorporated.
Sa mga nais mag-abot ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.
Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya, GCash, Globe Rewards, at Metrobank credit card.
Maari rin mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa sa Shopee, Zalora, Mega Mart, at Lazada.
advertisement
advertisement
Comments
comments powered by Disqus