GMA Kapuso Foundation, naghatid ng regalo para sa mga mag-aaral at vegetable farmers sa Atok, Benguet | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Naghatid ng maagang pamasko ang GMA Kapuso Foundation para sa mga mag-aaral at vegetable farmers sa Atok, Benguet.  

GMA Kapuso Foundation, naghatid ng regalo para sa mga mag-aaral at vegetable farmers sa Atok, Benguet

By MARAH RUIZ

Pinadapa ng bagyong Maring noong Oktubre ang ilang vegetable farmers ng Benguet, kabilang dito si Alma Es-esa, na taga Atok.

"Mahirap po 'yun kasi ine-expect mo na 'yun ang ibibili mo ng susunod na ikakabuhay. Pero 'pag nasira, wala na. As in wala ka nang maibebenta," pahayag niya tungkol sa mga nasirang pananim.

Dahil walang napakinabangan, kanin at kape lang ang kinakain ng kanilang pamilya.

"Masakit po sa damdamin. Nakakaiyak na 'pag ganoon nakikita mo na pinapakain sa mga bata. Ang sasabihin nila palaging ganito, walang sustansiya yung nakakain," kuwento ni Alma.

Kaya naman mahalaga para sa kanya ang edukasyon ng anak. Kahit pagod sa buong araw na pagtatanim, naglalaan pa rin siya ng oras para tulungan ito sa pag-aaral.

"Mahalaga 'yung edukasyon sa kanila para kung sakali naman hindi nila maranasan 'yung nararanasan namin bilang mga magulang nila na nagtatrabaho sa mainit na sikat ng araw," aniya.

Kabilang si Alma at kanyang mga anak sa natulungan ng GMA Kapuso Foundation sa pagpapatuloy ng Give A Gift: Alay sa Batang Pinoy Christmas project.

 

Give A Gift

 

Namahagi ang GMA Kapuso Foundation ng gift bags na may Noche Buena package, laruan, at hygiene kit para sa mga mag-aaral ng Atok, Benguet.

Kaisa ng GMA Kapuso Foundation sa proyekto ang AFP-Northern Luzon Command, Philippine Army-5th Infantry Division, Alpha Company 5th CMO Battalion, JTF-NCR, PNP Atok, Youth For Peace-Baguio Chapter, Century Pacific Food Inc., Philippine Airlines Foundation, Jollibee Group, International Pharmaceutical Incorporated, Colgate-Palmolive Philippines Inc., Rhea Generics, at Philusa.

 

 



Sa mga nais mag-abot ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.
http://www.gmanetwork.com/kapusofoundation/donate

Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya,  GCash, Globe Rewards, at Metrobank credit card.

Maari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa sa Shopee, Zalora, Mega Mart, at Lazada.