December 06 2021
Sumulat at nanawagan ng tulong sa GMA Kapuso Foundation ang isang ina mula sa Malabon para magbigyan ng wheelchair ang kanyang anak na may kapansanan.
Lumang carseat na tinalian ng sintas at lampin para maging seatbelt ang ginagamit na wheelchair ng limang taong gulang na si Steff.
Na-diagnose si Steff ng spastic cerebral palsy.
"Wala na raw pong chance na maging normal pa 'yung anak ko. Naka ilang ospital na rin po, 50-50 'yung buhay niya. Pero lumalaban 'yung anak ko eh," paliwanag ng ina niyang si Sittie Datu.
Hindi nakakalakad at nakakapagsalita si Steff. Minsa pa, naninigas ang kanyang katawan.
Kahit kapos, pinagsisikapan nina Sittie at ng kanyang asawa na maipa-therapy ang anak.
Sumulat si Sittie sa GMA Kapuso Foundation para humiling ng wheelchair para kay Steff.
Tinugunan naman ito ng GMA Kapuso Foundation bilang pakiiisa na rin sa National Children's Month ngayong November.
Sampung batang may kapansanan sa Tonsuya, Malabon ang nahandugan ng standard pediatric wheelchair ng GMA Kapuso Foundation sa tulong ng Lotus Tools Philippines.
Bukod dito, nakatanggap din sila ng Kapuso grocery packs na may lamang tinapay at hygiene kit, pati na play mat.
"Sila 'yung PWD (persons with disablity) na kita 'yung kapansanan gaya ng cerebral palsy, late development na talagang nangangailangan. Karamihan po sa mga beneficiary natin is mga lifetime dependent po sila sa magulang," paliwanag ni Archie Anora, PWD coordinator ng Malabon City.
"Maraming-maraming salamat po sa GMA Kapuso Foundaton. Hindi na po kami magbubuhat nang magbubuhat," pasasalamat naman ni Sittie.
Nagpapasalamat din ang GMA Kapuso Foundation sa mga naging partners sa proyekto tulad ng Joint Task Force-NCR, Mondelez Philippines, Lamoiyan Corporation, Malabon Soap and Oil Ind'l Co. Cooking Oil, Orich International Traders Inc., Lotus Tools PH, EM-Core 24 Alkaline C, Oishi Bread Pan, Babyflo & Cleene, at Peerless Products Manufacturing Corporation.
Sa mga nais mag-abot ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.
Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya, GCash, Globe Rewards, at Metrobank credit card.
Maari rin mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa sa Shopee, Zalora, Mega Mart, at Lazada.
advertisement
advertisement
Comments
comments powered by Disqus