December 06 2021
Buwan-buwang nasa ospital ang magkapatid na sina John Jacob at Charles Aiden mula Nueva Vizcaya.
Sanggol pa lang ang dalawa, kailangan na nilang regular na salinan ng dugo.
"Pabalikbalik 'yung lagnat, tapos nanghihina, namumutla, nangangayayat. 'Yung mata po ay nagdidilaw, 'yung mga kuko ay maitim," pahayag ni Charmaine Boac, nanay ng magkapatid.
May kundisyong beta thallasemia major, isang sakit sa dugo, sina John Jacob at Charles Aiden.
"Ang thallasemia ay dahil sa depekto sa hemoglobin. Ito 'yung nagdadala ng oxygen sa iba't ibang parte ng katawan ng tao," paliwanag ni Dr. Maria Victoria Dio, isang pediatric hematologist at oncologist.
Panghabang-buhay ang pagsasalin ng dugo sa mga taong may ganitong kundisyon.
"There will be very less oxygen na pupunta or na-de-deliver sa vital organs, na kung saan manganganib din ang kalagayan ng pasyente, eventually leading to heart failure," lahad ni Dr. Dio tungkol sa kahalagan ng regular na blood transfusion para sa mga may thallasemia.
Namamana ang sakit na ito at sa kasalukuyan ay wala pang gamot panlunas.
Para madugtungan ang buhay nina John Jacob at Charles Aiden, at mga tulad nilang nangangailangan ng dugo, nagdaos ang GMA Kapuso Foundation ng Sagip Dugtong Buhay Bloodletting Project sa Camp Aguinaldo at Fort Magsayasay sa Nueva Ecija.
Dinaluhan ito ng kasundaluhan mula 7th Installation Management Battalion. Nagbigay din ng dugo ang mga opisyal sa pangunguna ni Deputy for Intelligence Major General Alex Luna.
Kaisa din ng GMA Kapuso Foundation sa Sagip Dugtong Buhay ang Armed Forces of the Philippines, Philippine Army-7th Infantry Division, Philippine Red Cross, Muntinlupa Force Multipliers, Social Action Volunteer Emergency Radio Communication, Safecare PH Medical and Laboratory Services, Awibi Australia, Oxecure Philippines, EM-Core 24 Alkaline C, at Peerless Products Manufacturing Corporation.
Sa mga nais mag-abot ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.
Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya, GCash, Globe Rewards at Metrobank credit card.
Maari din mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa sa Shopee, Zalora, Mega Mart at Lazada.
advertisement
advertisement
Comments
comments powered by Disqus