GMA Kapuso Foundation, naghatid ng mga regalo sa mag-aaral sa North Cotabato
November 25 2021
By MARAH RUIZ
Giniba ng lindol ang Bato Elementary School sa North Cotabato noong October 2019 pero hindi ito naging balakid para makapaghatid ng kalidad na edukasyon sa mga estudyante rito.
Kabilang ang paralan sa pinayagang magkaroon ng pilot face-to-face classes ngayon.
"Naluha kami kasi for the first time for almost two years, nakita namin 'yung mga bata namin na nandito sa paaralan," pahayag ni Christy Arbis, school head ng Bato Elementary School.
Bago pumasok sa eskuwelahan, kailangang mag-temperature check at magsagot ng health declaration form. Bawat upuan sa loob ng silid aralan ay may tali sa gilid para maiwasan ang pagsiksikan ng mga bata.
Marami mang pagbabago, masaya naman ang mga mag-aaral na makapabalik sa eskuwela.
Isa na rito si Rea Flores na ipinanganak na walang isang kamay. Pinatunayang niyang hindi hadlang ang kanyang kapansanan sa mga pangarap niya.
"Normal lang siya at inheritance lang po 'yung nasa kamay niya," paliwanag ni Cherilyn Flores, nanay ni Rea.
Pangarap maging doktor ni Rea para makatulong sa kanyang kapwa. Nakatapos pa siya bilang first honor noong grade 1 at lumalahok sa beauty pageants.
"Proud po ako sa aking anak kasi kahit ganyang may kapansanan siya, kaya niyang gawin ang lahat ng achievements niya," dagdag pa ni Cherilyn.
Bilang maagang pamasko sa mga mag-aaral na katulad ni Rea, naghatid ang GMA Kapuso Foundation ng Give A Gift: Alay sa Batang Pinoy Christmas Bags sa mga estudyante ng Bato Elementary school sa North Cotabato.
Katuwang pa rin sa proyekto ang Joint Task Force-NCR, DepEd Division of North Cotabato, Oxecure Philippines, EM-Core, 24 Alkaline C, Philippine Army (6th Infantry Division, 602nd Infantry Brigade, 34th Infantry battalion, 39th Infantry Battalion, at 90th Infantry Battalion).
Sa mga nais mag-abot ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.
Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya, GCash, Globe Rewards, at Metrobank credit card.
Maari rin mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa sa Shopee, Zalora, at Mega Mart.
Comments
comments powered by Disqus