GMA Kapuso Foundation, nagdala ng gift bags para sa liblib na barangay sa Lanao del Norte | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Naghatid ng gift bags ang GMA Kapuso Foundation para sa mag-aaral ng isang barangay sa Lanao del Norte na mapapasok lamang gamit ang motorsiklo at kabayo.

GMA Kapuso Foundation, nagdala ng gift bags para sa liblib na barangay sa Lanao del Norte

By MARAH RUIZ

Maputik at mabato ang anim na kilometrong daan na kailangan lakarin para marating ang Barangay Carcum sa Nunungan, Lanao del Norte.

Residente dito si Patty Mae Dimasancay na nagsasaka at nagluluto ng kakanin. Kumikita sila ng kanyang asawa ng PhP 300 kada araw pero kulang ito para sa mga gastusin ng kanilang pamilya.

"Minsan lang kami nakakakain dito ng isda. Minsan din nakakakain na kami ng kanin 'pag may mga okasyon," kuwento ni Patty Mae.

Hindi niya alintana ang hirap at pagod para sa kinabukasan ng kanyang mga anak.

"Kaya kami kumakayod ng asawa ko kasi kahit isa man lang sa mga anak ko, makapagtapos," pahayag niya.

Para matulungan si Patty Mae, kanyang mga anak at iba pang katulad nila, tumungo ang GMA Kapuso Foundation sa Barangay Carcum.

Motorsiklo at kabayo ang tanging maaasahan para makapasok sa Barangay Carcum pero hindi ito naging hadlang para makarating dito ang GMA Kapuso Foundation.

Nakapaghatid ang GMA Kapuso Foundation ng Give A Gift bags na may lamang pagkain at laruan para sa mga mag-aaral mula kinder hanggang grade 6 ng Carcum Elementary School sa Nunungan, Lanao del Norte.

 

 

Katuwang ng GMA Kapuso Foundation sa proyektong Give A Gift: Alay sa Batang Pinoy ang Joint Task Force-NCR, 2nd Mechanized Brigade, 5th Mechanized Infantry Battalion; STC Plastic and Paper Packaging Solutions; Metro Pharma Philippines; at Innoderm Inc.

"Nakikita ko sa kanila na they need help. Mahal po kasi ang pamahase going down so wala talaga masyado [pumupunta]. First time po ang GMA Kapuso Foundation na nakarating dito," pasasalamat ni Rasmila M. Cosain, Senior Education Program Specialist on Networking and Social Mobilization.

Sa mga nais mag-abot ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maaari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya,  GCash, at Globe Rewards.

Maaari rin mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa sa Shopee, Zalora, at Mega Mart.