GMA Kapuso Foundation, hinatiran ng school supplies ang 1,242 mag-aaral sa Bangar, La Union
November 23 2021
By MARAH RUIZ
Paghahabi ng kumot ang naging kabuhayan ni Leodovico Leonardo ng Bangar, La Union simula noong siya ay 13 taong gulang.
Ito pa rin ang pinagkakakitaan niya ngayong may apat na siyang apo na tinutustusan.
Katuwang niya ang kanyang maybahay sa pagtratrabaho pero sadyang kulang pa rin ang kinikita.
"Dalawa pa kaming mag-asawa, PhP400 lang ang isang linggo," pahayag ni Leodovico.
Kahit kapos, sinisikap pa rin niyang mapag-aral ang mga apo. Pero naapektuhan sila ng bagyong Maring.
"'Yung ulan lang ang doon pumasok sa loob. 'Yung papel, binasa ng ulan," kuwento niya tungkol sa mga nasirang gamit pang-eskuwelahan ng mga bata.
Gayunpaman, gumawa agad siya ng paraan para mapalitan ang mga ito at maipatuloy ng mga apo ang pag-aaral.
"Mahalaga 'yun kasi 'yun ang mana nila sa akin," lahad ni Leodovico.
Kabilang ang mga apo ni Leodovico sa 1,242 mag-aaral na apektado ng bagyong Maring sa Bangar, La Union na hinatiran ng GMA Kapuso Foundation ng kumpletong gamit pang-eskuwela, hygiene kit, at face mask sa ilalim ng Unang Hakbang sa Kinabukasan project.
Katuwang ng GMA Kapuso Foundation sa proyekto ang Philippine Army 7th Infantry Division, 81st Infantry Battalion, 7th Military Operation; Philippine National Police, Bangar, La Union; Medtechs International Corporation Ltd.; Peerless Products Manufacturing Corporation; at EM-Core 24 Alkaline C.
Sa mga nais mag-abot ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.
Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya, GCash at Globe Rewards.
Maari rin mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa sa Shopee, Zalora, at Mega Mart.
Comments
comments powered by Disqus