GMA Kapuso Foundation, nag-abot ng tulong sa 2,000 indibidwal sa Pangasinan
November 10 2021
By MARAH RUIZ
Nanghihinayang ang 26-year-old na si Joan Narval, mula sa San Fabian, Pangasinan dahil tila naglaho ang kanilang hanapbuhay bilang bangkero, souvenir vendor at mangingisda sa San Fabian Open Beach noong tumama ang pandemya.
"Wala na. Talagang naghirap kami noon, parang walang makain. Walang pong kita," pahayag ni Joan.
Ibinaba na sa MGCQ or Modified General Community Quarantine ang Pangasinan kaya unti-unti na ring bumalabik ang mga turista dito.
Gayunpaman, hindi pa rin nila mapakinabangan ang naipundar na bangka dahil nabutas na ang ilalim sa tagal na hindi nagamit. Sa ngayon, wala pa silang kakayanang ipa-repair ito.
"Masakit po sa loob ko kasi nandiyan lang siya. 'Yung ibang mga bangka, nakakahanapbuhay, pero kami po wala," lahad ni Joan.
Dagdag sa kalbaryo ni Joan ang pananalasa ng bagyong Maring nitong Oktubre. Tinangay kasi ng malakas na hangin ang kanilang bubong. Tolda at tagpi-tagping yero muna ang ipinalit nila dito pansamantala.
Kabilang si Joan sa 2,000 indibidwal sa San Fabian, Pangasinan na hinatiran ng GMA Kapuso Foundation ng relief goods sa pamamagitan ng Operation Bayanihan.
Katuwang ng GMA Kapuso Foundation sa proyekto ang Joint Task Force-NCR, AFP-NOLCOM, Naval Special Operations Command at PNP-San Fabian, Pangasinan.
Sa mga nais mag-abot ng tulong sa Operation Bayanihan at sa iba pang mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.
Maaari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya, GCash at Globe Rewards.
Puwede rin mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa sa Shopee, Zalora at Mega Mart.
Comments
comments powered by Disqus