November 09 2021
Hunyo nang nagdeklara ng state of calamity ang Palawan dahil sa taas ng COVID-19 cases dito.
Isa sa mga lubos na naapektuhan ay si Velminda Alasan, isang Tagbanua na gumawa ng mga handicrafts mula sa yantok.
Halagang P200 ang kanyang kita sa isang tiklis ng yantok. Kulang ito para sa kanyang pamilyang may tatlong anak.
Dahil sa kakulangan ng pera, hindi na nakakabili ng gamit pang eskuwela si Velminda.
"'Yung panganay ko, naranasan niya po 'yan na hindi po mabilhan ng bag. Noong nagsimula 'yung klase, wala siyang mga notebooks, papel, lapis," paggunita ni Velminda.
Gayunpaman, kapag nakikita niyang nagpupursigi ang mga anak sa pag-aaral, lalo din siyang nagpupursiging maghanap-buhay. Pero kung may pera man, hindi rin naman siya makaluwas ng bayan dahil sa mataas na COVID-19 cases doon.
Kabilang ang mga anak ni Velminda sa mga natulungan ng GMA Kapuso Foundation sa ilalim ng Unang Hakbang sa Kinabukasan project.
Nitong Oktubre pa lang pinayagang magbiyahe patungong Palawan ang GMA Kapuso Foundation. Nakapaghatid ito ng kumpletong school supplies, hygiene kits, at face masks para sa 2,375 mag-aaral mula sa Narra at Aborlan.
"Nagkaroon ng ibang sistema ang pag-aaral ngayon. Nasa pamamahay lang sila so kailangang kailangan din po nila itong gamit," pahayag ni Nelson Mediadero Jr., Public School District supervisor ng Aborlan and West District.
Katuwang naman ng GMA Kapuso Foundation sa proyekto ang Joint Task Force NCR, Naval Forces West, Civil Military Operation West, Naval Reserve Center West, 3rd Marine Brigade, Marine Battalion Landing Team-4, Naval Installation Facility West, at Colgate-Palmolive Philippines Inc.
Sa mga nais mag-abot ng tulong sa Unang Hakbang sa Kinabukasan at sa iba pang mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.
Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya, GCash, at Globe Rewards.
Maari rin mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa sa Shopee, Zaloram, at Mega Mart.
advertisement
advertisement
Comments
comments powered by Disqus