November 05 2021
Nobyembre noong nakaraang taon nang padapain ng bagyong Ulysses ang Brgy. Umiray sa Dingalan, Aurora.
Kaya naman ang lugar na ito ang napili ng GMA Kapuso Foundation na handugan ng ika-anim na Kapuso Tulay.
Bukod dito, ang Brgy. Dingalan din ang unang binisita ng GMA Kapuso Foundation para sa taunang Give A Gift: Alay sa Batang Pinoy project.
Layunin nitong maghatid ng saya sa buong bansa kahit sa malayo at liblib na lugar lalo na ngayong Kapaskuhan.
Ang Pasko raw ang pinakahihintay ni Zenaida Cullamat, isang residente ng Brgy. Umiray. Ito lang kasi ang panahon na nakakasama ang anim niyang anak.
Mahirap kumuha ng signal sa kanilang lugar kaya kinailangang mag-boarding house sa Cabanatuan, Nueva Ecija ang kanyang mga anak para makasabay sa online class nila.
"Sa tawag na lang po [kami nakakapag-usap]. Minsan po nagbi-video call silang magkakapatid," kuwento ni Zenaida.
Mag-isang itinataguyod ni Zenaida ang kanyang pamilya bilang barangay tanod. Suma-side line din siya sa pagluluto at pagtitinda.
"Nag-iipon po ako para po pagdating po ng Pasko, mayroon po kaming pagsasaluhan at kahit papano po, may maibibigay akong regalo sa kanila," paliwanag ni Zenaida.
Kabilang ang mga anak niya sa 497 na estudyante na nakatanggap ng Give A Gift bags na may lamang laruan at Noche Buena package mula sa GMA Kapuso Foundation.
Katuwang ng GMA Kapuso Foundation sa pagpapatuloy ng Give A Gift project ang AFP-NOLCOM; Philippine Army-7th Infantry Division, 703rd Infantry Brigade, 91st Infantry Battalion; Dingalan-DepEd; at Lamoiyan Corporation.
Sa mga nais mag-abot ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.
Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya, GCash, at Globe Rewards.
Maari rin mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa sa Shopee, Zalora, at Mega Mart.
advertisement
advertisement
Comments
comments powered by Disqus