Ika-6 na 'Kapuso Tulay' ng GMA Kapuso Foundation, pormal nang binuksan sa Brgy. Umiray, Dingalan, Aurora | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Ang 70-meter steel and concrete hanging bridge ay bahagi ng Kapuso Tulay Para sa Kaunlaran project ng GMA Kapuso Foundation.

Ika-6 na 'Kapuso Tulay' ng GMA Kapuso Foundation, pormal nang binuksan sa Brgy. Umiray, Dingalan, Aurora

By MARAH RUIZ

Pormal nang binuksan ang 70-meter steel and concrete hanging bridge na nag-uugnay sa barangay Umiray at sitio Malacauayan sa Dingalan, Aurora.

Ito ang ika-anim na tulay sa ipinatayo ng GMA Kapuso Foundation sa ilalim ng Kapuso Tulay Para sa Kaunlaran project.

 

GMA Kapuso Foundation

 

Hatid ng tulay ang bagong simula at pag-asa sa mahigit 4,000 residente ng Barangay Umiray. Napalitan na kasi ang dating tulay na kahoy na nasira pa noong tumama ang bagyong Ulysses sa Aurora.

Pinasinayaan na ng GMA Kapuso Foundation ang bagong tulay at nagtanim pa ng mga puno na magiging proteksiyon nito.

"Pagka-fabricate ng mga steel brackets saka lahat lahat, dinala namin para ma-galvanize para hindi siya kakalawangin kasi hahampas ang sea air, sea water," paliwanag ni GMA Kapuso Foundation EVP and COO Rikki Escudero-Catibog.

Kaya ng tulay ang hanggang 4 tons na bigat at puwedeng makadaan ang mga motorsiklo dito.

"'Yung connection ng ating siderail o noong tulay sa ating poste ay naka hinge-type siya. Naka pre-place siya para 'pag humangin, hindi siya rigid at hindi talaga masira 'yung ating mga poste," pahayag naman ni Engr. Ed Eniego, senior project manager ng GMA Kapuso Foundation.

May mensahe rin si GMA Kapuso Foundation founder and ambassador Mel Tiangco para sa mga residente ng Barangay Umiray.

"Sa mga residente ng Barangay Umiray, Dingalan, Aurora, sana po alagaan n'yo at pahalagahan nang mabuti ang bagong Kapuso Tulay Para sa Kaunlaran na handong sa inyo ng GMA Kapuso Foundation para sa inyo, sa tulong siyempre ng ating mga partners, donors, at sponsors," pahayag ni Tita Mel.

"Sobrang thankful po namin na nagkaroon po ng tulay dito sa aming lugar. Wala nang magbubuwis pa ng buhay para lang makatawid," pasasalamat nama ni Neddie Astejada, isang residente.

Katuwang ng GMA Kapuso Foundation sa proyektong ito ang AFP-NOLCOM; Philippine Army-7th Infantry Division, 703rd Infantry Brigade, 91st Infantry Battalion, 51st Engineer Brigade, 522nd Engineer Construction Brigade; LGU of Dingalan, Aurora; PPG Coatings (Philippines) Inc., Equator Energy, at Concrete Stone Corp.

Sa mga nais mag-abot ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maaari ding magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya,  GCash at Globe Rewards.

Maaari din mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa sa Shopee, Zalora at Mega Mart.

Samantala, panoorin ang kuwento ng Kapuso Tulay Para sa Kaunlaran ng GMA Kapuso Foundation para sa Barangay Umiray, Dingalan, Aurora.