GMA Kapuso Foundation, naghatid ng school supplies sa mga mag-aaral sa Isabela | GMANetwork.com - Foundation - Articles

May 803 na mag-aaaral sa Dinapugue, Isabela ang hinatiran ng school supplies, hygiene kits, at cloth face masks ng GMA Kapuso Foundation.

GMA Kapuso Foundation, naghatid ng school supplies sa mga mag-aaral sa Isabela

By MARAH RUIZ

Ngayong panahon ng pandemya, ang radio-based instruction o RBI ang isa sa mga paraan ng pagtuturo sa Isabela.

Pero dahil mahirap ang radio signal sa Dinapigue, nakaisip ng mainam na solusyon ang mga guro rito.

Sakay ng kolong kolong, araw-araw silang umiikot sa ilang barangay sa Dinapigue habang na may dalang malaking speaker.

"Kami na po 'yung magda-download ng RBI episodes. Pine-play na na po namin doon dala po ng kanilang mga modules na nagja-jive po sa RBI episode," paliwanag ni Lalaine Pascual, Teacher I sa Ayod Integrated School.

Pero ang mga estudyante, walang dalang papel na magpasusulatan at sa halip karton at likod ng kalendaryo na lang kanilang ginagamit.

"Sapagkat inuuna po nila ang pagkain. Sa kadahilanang pandemya po ngayon, wala pong mga permanenteng trabaho ang ating mga magulang," pahayag naman ni Bonifacio Tablang, head teacher sa Ayod Integrated School.

Ang 29-year-old Dumagat na si Hije Apelado, may limang anak at kasalukuyang nasa grade 12. Sabay-sabay silang nag-aaral ng kanyang mga anak kaya hirap din sa gamit pang eskuwela. Minsan gumagamit sila ng bato at uling para makapagsulat.

"Humihiram po ako para mayroon po akong maibili ng mga gamit ko, mga gamit ng mga anak ko po," bahagi ni Hije.

 

GMA Kapuso Foundation

 


Para matulungan sila, 803 bags na may school supplies, hygiene kits, at cloth face masks ang ipinamahagi ng GMA Kapuso Foundation sa Dinapigue, Isabela bilang bahagi ng Unang Hakbang sa Kinabukasan project.

"'Yung ganitong tulong ng GMA Kapuso Foundation ay talagang kailangan. Kahit na nagbibigay naman ang mga guro at schools ng supplies, hindi natin nakikita kung sapat ba talaga 'yun," lahad ni Somali Edra, district-in-charge sa Dinapigue District, SDO-Isabela.

Nagpapasalamat ang GMA Kapsuo Foundation sa AFP NOLCOM 91st Infantry Battalion at Kabalikat CiviCom-Dinapigue Chapter sa pakikiisa nila sa Unang Hakbang sa Kinabukasan project.

Sa mga nais mag-abot ng tulong sa Unang Hakbang sa Kinabukasan at sa iba pang mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya,  GCash at Globe Rewards.

Pwede ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa sa Shopee, Zalora, at Mega Mart.