GMA Kapuso Foundation, nag-abot ng tulong sa naapektuhan ng bagyong Maring sa La Union | GMANetwork.com - Foundation - Articles

900 indibidwal na naapektuhan ng bagyong Maring sa Luna, La Union ang inabutan ng tulong ng GMA Kapuso Foundation.

GMA Kapuso Foundation, nag-abot ng tulong sa naapektuhan ng bagyong Maring sa La Union

Sa paghagupit ng Bagyong Maring, maraming lugar sa Norte ang nalubog sa baha kabilang ang bayan ng Luna sa La Union.

Isa sa lubos na naapektuhan ay ang 63 taong gulangna si Alejandro Albandia. Haligi na lang ng kanyang tahanan ang natira matapos tangayin ng malakas na hangin at anurin ng tubig.

"Talagang malakas ang agos ng tubig. Wala pang isang oras, hanggang pusod na ang lalim ng tubig po," kuwento ni Alejandro.

Ang mga alangang manok na pinagkakakitaan, nawala sa isang idlap.

"Masakit po, parang naiiyak nga ako. Nawala 'yung mga alaga ko tapos nagiba pa 'yung bahay ko," lahad ni Alejandro.

 

 


Para matulungan si Alejandro at mga tulad niyang naapektuhan ng bagyong Maring, hinatiran sila ng GMA Kapuso Foundation ng relief goods at tinapay.

900 indibiwal sa Luna, La Union ang natulungan sa pagpapatuloy ng Operation Bayanihan.

"Salamat sa GMA Kapuso Foundation. Siguro kung hindi kayo nakapunta, baka hindi na kami makakain ngayon po," pasasalamat ni Alejandro.

Katuwang ng GMA Kapuso Foundation sa Operation Bayanihan ang AFP NOLCOM, Philippine Army, Philippine Airforce, at Philippine Navy.

Nagpapasalamat din ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa ng Reeva Instant Noodles (Shemica Inc.), Gardenia Bakeries Philippine Inc., at Procter and Gamble Philippines Inc.

Patuloy na nag-aabot ng tulong ang GMA Kapuso Foundation sa mga nasalanta ng bagyong Maring sa Baguio City at sa Tuba, Benguet.

Sa mga nais mag-abot ng tulong sa Operation Bayanihan ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maari ding magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya,  GCash at Globe Rewards.

Maari din mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa sa Shopee, Zalora at Mega Mart.