GMA Kapuso Foundation, naghatid ng school supplies para sa mag-aaral sa Samar
October 12 2021
By MARAH RUIZ
Walang ibang pangarap si Dianna Parane para sa kanyang limang anak kundi edukasyon at magandang kinabukasan.
Masisipag at responsable ang mga ito kaya kahit bata pa, naggagapas na ng damo at nag-aalaga ng kalabaw.
"Hindi na ito panghabang-buhay sana. Gusto ko na dumating 'yung araw na hindi na kayo maggagapas," pahayag ni Dianna.
Tuwing pasukan, problema niya ang school supplies. Sapat lang kasi ang PhP300 na kinikita nilang mag-asawa sa pagsasaka para sa pagkain nilang mag-anak.
"Nalulungkot din po ako kasi 'yung ibang mga bata excited nang pumasok, may mga gamit na. 'Yung mga anak ko, wala pa," paggunita ni Dianna.
Ang kanyang anak na si Aphia Dacuman, pagsusulat ang libangan sa halip na paglalaro.
"Tuturuan ko po ang kapatid ko kasi hindi pa ho siya nakakasulat," bahagi ni Aphia.
Lubos namang pinagsisikapan ni Diana na makatapos ang kanyang mga anak.
"Gusto ko naman maiba naman 'yung buhay nila," aniya.
Kabilang ang mga anak ni Dianna sa mahigit 1,000 mag-aaral sa Jiabong, Samar na hinatiran ng GMA Kapuso Foundation ng kumpletong school supplies, hygiene kits, at face masks sa ilalim ng Unang Hakbang sa Kinabukasan Project
Katuwang pa rin ng GMA Kapuso Foundation sa proyekto ang Philippine Army 8th Infantry Division, 87th Infantry Battalion, Kabalikat CiviCom-Jiabong Chapter, Sta. Clara Shipping Corporation, Colgate Palmolive Philippines, at Meridian Shipping and Container Carrier, Inc.
"Lubos po akong nagpapasalamat sa GMA Kapuso Foundation. Malaking kabawasan po ito sa gastusin para sa pag-aaral ng mga anak ko," lahad ni Dianna.
Sa mga nais mag-abot ng tulong sa iba pang mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.
Comments
comments powered by Disqus