Batang may bukol sa pisngi, napaoperahan at muling hinatiran ng tulong ng GMA Kapuso Foundation | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Noong 2017 ay pinaoperahan ng GMA Kapuso Foundation si Ryzza, isang batang taga-Samar na may malaking bukol sa kanyang pisngi.

Batang may bukol sa pisngi, napaoperahan at muling hinatiran ng tulong ng GMA Kapuso Foundation

By MARAH RUIZ

Walong buwan pa lang ang batang si Ryzza Mae Dacutanan, mula sa Jiabong, Samar, nang mapansing lumalaki ang kanyang pisngi.

Nasa loob lang lagi siya ng bahay dahil laging tinutukso ng mga kalaro. Hidi agad siya napatingnan sa doktor dahil sa hirap ng buhay at sa layo pa ng pagamutan.

May kundisyong tinatawag na lipoma si Ryzza.

"Ang lipoma ay mga abnormal na taba. Ang taba, naging abnormal ng pag-develop – minsan may malaki, may maliit. Hindi pantay-pantay. Ito ay cystic na hindi nagiging cancerous," paliwanag ni pediatric surgeon na si Dr. Beda Espineda.

Sa tulong ng GMA Kapuso Foundation at partner nitong World Surgical Foundation Philippines, agad na napaoperahan si Ryzza.  

Matapos ang apat na taon ng kanyang operasyon noong 2017, malusog at nakakangiti na si Ryzza ngayon. Wala na rin halos bakas ang kanyang operasyon.

 

GMA Kapuso Foundation

 


"Malaki na 'yung pinagbago niya ngayon, noong natanggal 'yung bukol niya. 'Yung dati malungkot tapos 'yung katawan niya parang matamlay. Ngayon masaya na siya," pahayag ni Rowena Llamelo, nanay ni Ryzza.

Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa ng Philippine Army 8th Infantry Division, 87th Infantry Battalion, World Surgical Foundation, Dr. Beda Espineda, at Sta. Clara Shipping sa proyekto.

Tulad ni Ryzza, marami pang mga bata ang matutulugnan ng GMA Kapuso Foundation gaya ni Jay-R Alamazan, six years old na may namamagang dila dahil sa hemangioma.

Isa siya sa mga surgery beneficiaries ng GMA Kapuso Foundation sa taong ito at nakahanay nang mapaoperahan.

Sa mga nais mag-abot ng tulong para sa kanya at sa iba pang mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya,  GCash, at Globe Rewards.

Maari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee, Zalora, at Mega Mart.