GMA Kapuso Foundation, naghatid ng protective supplies sa mga pampublikong ospital sa Bulacan
September 30 2021
By MARAH RUIZ
Tatlong taon nang nurse sa Ospital ng del Monte sa Bulacan si Joana Marie Crisologo.
Noong August 2020, tinaman siya ng COVID-19 pero swerteng gumaling. Gayunpaman, nagkaroon siya ng alinlangan na bumalik sa pagtatrabaho.
"Sumuko po ako noong bilang isang nurse kasi napanghinaan po ako ng loob eh. Natatakot po ako na madala ko po 'yun sa pamilya ko," kuwento ni Joana.
Ang kanayng tatay ang nag-udyok sa kanya na bumalik sa serbisyo. Sa kasamaang palad, matapos lang ang ilang buwan, ito naman ang nagpositibo sa COVID-19 at naging kritikal pa.
"Sabi ng mommy ko, mahimbing daw po 'yung tulog ni daddy. Noong in-assess ko po siya, comatose na po talaga siya. Tapos 30 minutes lang po noong pagdating ko, bumigay na po siya," paggunita ni Joana.
Pati ang kanyang lola, nagpositibo din sa COVID-19. Sinubukan pa itong dalhin sa ospital pero inuwi na lang nila ulit ito sa bahay dahil puno na ang facility.
"Umigi naman po siya pero after three days, nahirapan po ulit siyang huminga. Wala na po 'yung lola ko," ani Joana.
Kahit na nawalan ng mga mahal sa buhay, nanatiling matatag pa rin si Joana bilang pagbibigay-pugay sa kanyang ama.
"Kaya kahit na COVID pa rin 'yung kinasawi ng buhay niya, 'yun 'yung bilin niya sa akin, na ipagpatuloy ko lang daw po 'yung laban," lahad niya.
Para mapanatiling protektado ang mga frontliners tulad ni Joana, naghatid ang GMA Kapuso Foundation ng mga protective supplies para sa tatlong pampublikong ospital sa Bulacan.
3,000 pares ng rubber gloves, 600 piraso ng PPE hazmat suit, 600 piraso ng face shield, 600 bote ng 500 ml alcohol, 3,000 piraso ng KN95 masks ang naihandog sa bawat ospital.
Katuwang pa rin ng GMA Kapuso Foundation sa pagpapatuloy ng Operation Bayanihan ang TYR Philippines, Philippine Army 7th Infrantry Divison, at 70th Infantry Battalion.
Sa mga nais mag-abot ng tulong sa iba pang mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.
Maaari ding magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya, GCash at Globe Rewards.
Maaari din mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa sa Shopee, Zalora at Mega Mart.
Comments
comments powered by Disqus